NAGPATULOY ang pananalasa ni Mark Jay Bacojo ng Team Philippines matapos talunin si Myanmar’s top gunner Kyaw Myat Aung para manatili sa ituktok ng liderato sa pagpapatuloy ng 20th Asean + Age Group Chess Championships 2019 na ginanap sa Golden Mandalay Hotel at Hotel Hazel sa Mandalay City, Myanmar nitong Huwebes.

BACOJO: Leader sa age group tilt

BACOJO: Leader sa age group tilt

Dahil sa natamong panalo ng pambato ng Dasmarinas City, sa ayuda ni Mayor Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., napataas niya ang kartada sa 5.5 puntos mula sa limang panalo at isang draw sa Under-14 Boys’ open division ng Standard competition.

Angat ng isang puntos si Bacojo sa bumubuntot na sina Le Tri Kien, Candidate Master Vu Hoang Gia Bao, Candidate Master Nguyen Quoc Hy at Vo Pham Thien Phuc ng Vietnam na may tig 4.5 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naunang pinatumba ni Bacojo sina Khant Zin Hein ng Myanmar sa Round 1, Le Tri Kien ng Vietnam sa Round 2, Nguyen Duc Sang ng Vietnam sa Round 3, ang kababayan na si Chester Neil Reyes sa Round 4, draw kay Mekarapiruk Chawit ng Thailand sa Round 5 bago pasukuin si Kyaw Myat Aung ng Myanmar sa Round 6.

Nagpakitang gilas din sina Kaye Lalaine Regidor ng Santa, Rosa, Laguna at Mecel Angela Gadut of Candon City, Ilocos Sur na winalis sina Huynh Phuc Minh Phuong at Mai Hieu Linh ng Vietnam, ayon sa pagkakasunod sa Under-10 Girls’ division.

Samantala, hindi naman pinalad sina Philippine chess wizards Oshrie Jhames Reyes ng Dila Dila, Santa Rita, Pampanga, Al-Basher “Basty” Buto ng Cainta, Rizal at Woman Fide Master Antonella Berthe Racasa ng Mandaluyong City sa kani-kanilang division.

Kinapos ang seven-years-old Oshrie Jhames na Grade 3 pupil ng GNC Montessori sa Guagua, Pampanga kontra kay Tran Bao Minh ng Vietnam sa Under-8 Boys’ open division; bigo si Buto na grade 4 pupil ng Faith Christian School kay Candidate Master Pham Tran Gia Phuc ng Vietnam sa Under-10 Boys’ open division habang tiklop din ang 12-years-old Racasa ng Homeschool Global kontra kay Woman Candidate Master Nguyen Hoang Thai Ngoc ng Vietnam sa Under-12 Girls’ division