Laro Ngayon
(University of San Agustin Gym)
4:00 n.h. -- BanKo-Perlas vs Creamline
Standings W L
PetroGazz 6 0
Creamline 4 1
Pacifictown 3 2
BanKo-Perlas 2 4
Motolite 1 4
BaliPure 0 5
TARGET ng defending champion Creamline na masimulan ang second round sa panalo sa pakikipagtuos muli sa Banko Perlas ngayong hapon sa pagdayo ng PVL Season 3 Reinforced Conference sa Iloilo City.
Ganap na 4:00 ngayong hapon ang nagsosolong laro na idaraos sa University of San Agustin gym.
Hangad ng Cool Smashers na maituloy ang naitalang apat na sunod na tagumpay sa first round habang magsisikap namang makabawi ng Perlas Spikers sa pagkatalo nila sa first round at sa 4-sets na kabiguang natamo sa kamay ng namumunong PetroGazz sa simula ng second round nitong Miyerkules.
Muling sasandigan ang Creamline ni coach Tai Bundit sina Thai import Kuttika Kaewpin at Venezuelan Aleoscar Blanco kasama ng mga local aces na sina Alyssa Valdez, Michelle Gumabao at Jia Morado.
Sa kabilang dako, ipantatapat naman ng Perlas Spikers sina imports Kia Bright at Yasemin Yildrim maging ang mga pangunahing locals na sina Nicole Tiamzon, Gzi Gervacio, Kathy Bersola at Sue Roces.
-Marivic Awitan