PASUKAN na naman sa mga paaralan. Kaugnay nito ang alalahanin at takot ng mga magulang sa kaligtasan sa aksidente sa kalsada ng maliliit nilang mga anak na papasok sa mga paaralang nursery, kindergarten at elementarya na karaniwang bumabagtas sa kalsada sa pagpasok sa klase at pag-uwi pagkatapos.
Sa puntong ito, tama ang panukala ni Albay Rep. Joey Salceda na para higit na ligtas sa aksidente ng sasakyan ang mga batang mag-aaral at mga guro, dapat magkaroon ng mga OVERPASS sa mga daang malapit sa mga paaralan, lalo na sa mga ‘highway’ na dinadaanan ng malalaking bus at truck.
Sadyang lantad sa mga aksidente ng sasakyan ang maliliit na batang mag-aaral na nagmamadaling pumasok sa klase o umuwi pagkatapos ng klase. Lalong problema ito kapag makapal ang trapiko sa naturang mga lugar.
Nakahain ngayon sa Kamara ang panukalang batas na “Mandatory Overpass Act of 2019” o HB 9167 ni Salceda na layuning pag-ibayuhin ang kaligtasan sa sakuna ang mga mag-aaral at iba na tumatawid sa mga daang malapit sa mga paaralan. Magsasara na ngayon ang Kongreso ngunit dapat itong ihain uli at pagtibayan agad ng lehislatura sa muling pagbubukas nito sa susunod na buwan.
Sa ulat ng World Health Organization, mahigit 270,000 ‘pedestrians’ umano ang namamatay sa aksidente sa sasakyan taon-taon. Mga 22 porsiyento ng 1.24 milyong namamatay sa kalsada kaugnay sa trapiko. Kumpirmado sa mga talaan na mga kabataan ang karamihan sa naturang mga biktima. Bahagi marahil ng suliraning ito ang kalikutan at kakulangan sa pag-iingat ng mga bata sa kanilang pagtawid sa daan, bukod sa maaaring hindi sila agad napapansin dahil maliliit nga sila.
Gayunman, binigyang-diin ni Salceda na dapat maging ibayong maingat din ang mga ‘drivers’ kapag nasa mga daang malapit sa mga paaralan, lalo na sa kahabaan ng mga pambansang lansangan. Isang ‘engineering intervention’ ang panukalang mga ‘overpass’ para sa kaligtasan sa aksidente ng mga ‘pedestrian.’
Bukod sa pagliligtas ng buhay, magiging tulay ang panukalang mga overpass para maging ligtas din ang karaniwang paglalakad na magpapasulong pa sa kalusugan ng mga tao at pangangalaga sa kapaligiran.
Sa ilalim ng HB 9167, pangungunahan ng Department of Public Works and Highways ang programa ng panukalang mga overpass, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority at Commission on Higher Education na tutulong sa pagtukoy ng mga lugar na pagtatayuan nito at pagbalangkas sa mga panuntunan ng programa.
-Johnny Dayang