SA ngayon ay dalawang oras ang biyahe, sakay sa kotse, mula sa Cubao, Quezon City patungong Makati, sa gitna ng rush hour sa umaga. Nitong Sabado, sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Duterte na: “You just wait. Things will improve. Maybe, God willing, by December, smooth sailing na. You don’t have to worry about traffic. Cubao and Makati is just about five minutes away.”
Ito ang naging komento ni Sen. Panfilo Lacson: “If PRRD delivers on just two promises he recently made—to cut travel time from Cubao to Makati to five minutes within six months and to eliminate flight delays at NAIA (Ninoy Aquino International Airport) within one month, for beings superhuman, he deserves to be president for life.”
Ang tinutukoy ni Lacson ay napakaimposibleng maresolba ng dalawang problema sa loob ng ipinahayag na palugit ng Pangulo. Kahit walang trapik, kailangan tumakbo ng sasakyan ng 120 kilometro kada oras upang makabiyahe ng 12 kilometro mula sa Cubao, Quezon City patungong Ayala Avenue, sa Makati. Sa NAIA, patuloy ang pagkaantala ng mga flight dahil ang nag-iisa nitong runway ay hindi na kayang tanggapin ang maraming paparating at papaalis na flights.
Gayunman, kilala si Pangulong Duterte sa kanyang makukulay na salita. Mahilig siyang gumamit ng metaphors at iba ang figures of speech. Sa kasong ito, gumamit siya ng hyperbole, isang paglalabis, upang bigyang-diin ang punto— ang kanyang determinasyon na gawin ang isang bagay, gaano man karahas, upang resolbahin ang matinding problema.
Matatandaan ang kanyang pangako noong kampanya na pupuksain ang ilegal na droga sa loob ng tatlong buwan, na kalaunan ay ginawang anim na buwan, at hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino nang madiskubre na ang problema ay mas matindi pa sa kanyang inaakala. Ngunit tinanggap ng mga tao ang kanyang pag-amin sa pagkabigo dahil sa tindi ng problema sa ilegal na droga at sa halip ay pinahalagahan ang pagsisikap na mapuksa ito na nagpapatuloy hanggang ngayon.
Ngayon, ibinaling niya ang kanyang atensiyon sa problema sa EDSA. Nag-alok ang Metro Manila Development Authority ng ilang mga pagbabago upang maibsan ang trapiko, kabilang ang pagpapaalis sa mga provincial bus terminal sa EDSA, karamihan sa Cubao area. Ipagbabawal nito ang mga bus na kadalasang humihinto sa kalsada upang magbaba ng mga pasahero. Maraming mga highway at, hindi magtatagal, isang subway, ang papalit sa siksikang EDSA.
Ngunit tila kumpiyansa si Pangulong Duterte nang sabihin niya na mas magiging ang lahat sa Disyembre. “It is possible the President is planning something,” sinabi ni presidential spokesman Salavador Panelo. “Otherwise why would he say that it will be only five-minute travel?”
Maaaring ito ay hyperbolic, ngunit ngayon na ipinahayag ng Pangulo ang kanyang determinasyon na resolbahin ang trapiko sa EDSA, kailangan natin itong makitaan ng aksiyon. Sa tuwing nagsasalita ang Pangulo, kailangan makinig, mag-isip at magplano at umaksiyon ang kinauukulang mga ahensiya. Dahil kung hindi, maaaring ang susunod nilang maririnig ay ang paghikayat ng Pangulo na sila ay magbitiw.
Maaaring hindi natin maresolba ang problema sa EDSA sa loob ng anim na buwan o ang problema sa NAIA sa nasabing panahon. Ngunit kailangan natin makitaan ng aksiyon ang mga kinauukulan na hindi nila ginawa noon. Maaaring hindi nila maresolba ang buong problema ngunit kailangan nila itong solusyunan na maaaring matagalan ngunit mareresolba ang problema