“HINDI na kayo dapat mabalisa hinggil sa trapik. Cubao at Makati ay mga limang minuto na lang. Maghintay lang kayo. . . Ayaw kong mag-ano, pero magkakaroon ng pagbabago sa awa ng Diyos. December smooth sailing na,” wika ni Pangulong Duterte kay Pastor Apollo Quiboloy, sa programa nito sa telebisyon nitong Sabado.
“Surprise. Posibleng may binabalak ang Pangulo para matupad ang kanyang pangako na maibsan ang trapik na napakabigat sa Edsa. Kung hindi, bakit niya sasabihin na limang minuto lang ang paglalakbay?” sabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Ayon naman kay MMDA Edsa Traffic czar Bong Nebrija, upang maging realidad ang pangako ng Pangulo, lumikha ang MMDA ng interagency task force, na tinaguriang “Task Force CubMa.” Sa ilalim ng grupong ito, sasamahan ang MMDA ng Philippine National Police – Highway Patrol Group, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Interagency Council for Traffic sa pamamahala sa daloy ng trapiko at huhuli ng mga traffic violators.
Kailangan tumakbo ng 180 kilometro bawat oras bago makarating sa Edsa corner Aurora Boulevard mula Edsa corner Ayala Avenue, na 15 kilometro sa loob ng limang minuto. Magagawa mo ito kung iilan lang kayong nagkakarerahan sa kahabaan ng kalyeng ito. Kung paano magagawa na ganito ang kondisyon ng highway pagsapit ng Disyembre, napakalaking problema ito. Pero, sabi nga ni Panelo, may binabalak ang Pangulo para mangyari ito dahil kung wala bakit sasabihin ng Pangulo na mapapaikli niya ang travel time mula Cubao hanggang Makati ng limang minuto. Alam natin na imposible ito, pero hindi dapat na ito ay maging tampulan ng katatawanan at paglibak. Bagkus mabahala tayo at maalerto.
Kinantyawan at tinawanan natin ang pangako ni Pangulo Digong noong panahon ng kampanya sa panguluhan na wawakasan niya ang problema ng kriminalidad at ilegal na droga sa loob ng tatlo o anim na buwan. Kasi, katulad ng ipinangako niyang gagawing limang minuto ang travel time mula Cubao hanggang Makati, ito ay imposible. Tinangka niyang tuparin ito nang manungkulan na siya. Pero, hindi batas ang ginamit niya. Mga paraan na mabilisan. Sinagasaan niya ang mga karapatang pantao at due process ng mamamayan. Sa kanya, ang pagsupil ng kriminalidad at droga ay lipulin ang lahat ng sangkot dito. Inilagay niya sa kanyang kamay ang batas. Dinagdagan niya ang kapangyarihan ng mga pulis. Ginawa niyang taga-usig, hukom at berdugo ang mga ito. Kaya maging ang mga inosenteng sibilyan ay nasama sa maraming napatay na sangkot sa droga. Kaya dapat maging alerto ang mamamayan dahil gumawa na naman ng imposibleng pangako ang Pangulo, baka hindi batas ang kanyang gamitin kapag sinubok niyang tuparin ito.
-Ric Valmonte