Pinag-iisipan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na dagdagan ang naval patrols sa Recto (Reed) Bank sa West Philippine Sea matapos ang "collision" ng hinihinalang Chinese vessel at Philippine fishing boat.

(REUTERS/Romeo Ranoco)

(REUTERS/Romeo Ranoco)

Sinabi ni Lorenzana na regular na nagpapatrulya ang Philippine Navy (PN) sa bisinidad ng Recto Bank upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisdang papasok sa lugar, ngunit inaming hindi ito sapat.

"Mayroon tayong patrol pero kulang lang tayo ng barko talaga. We don't have enough Coast Guard ships. Kaya we are planning to acquire more para may panggwardiya tayo d’yan," aniya.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Humingi rin siya ng tulong sa iba pang ahensiya, gaya ng Philippine Coast Guard (PCG) at maging sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung posible silang makatulong sa patrol operations.

"Tignan natin kung pwede nating mai-augment ang ating naval vessels saka yung iba pang BFAR kung pwede magpatrolya," aniya.

Ang Recto Bank ay nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, ngunit sinabi ni Lorenzana na ito ay isang "common fishing ground" sa mga Pinoy, Chinese, Vietnamese, at Japanese.

"Nakakapasok naman lahat ng fishing boats kasi common fishing ground 'yan. Hindi lang tayo ang nagfifishing d'yan," aniya.

Gayunman, ang hindi katanggap-tanggap, ayon sa Defense Chief, ay ang pag-abandona sa 22 mangingisda nang lumubog ang F/B Gimver 1 matapos ang banggaan.

Naganap ang insidente nitong Hunyo 9, na Philippines-China Friendship Day.

Kung ito man ay aksidente o sinasadya ay iniimbestigahan na ng Department of National Defense, PCG at Western Mindanao Command (WesMinCom), ayon kay Lorenzana.

22 MANGINGISDA, NAKAUWI NA

Samantala, nakauwi na ang 22 mangingisda matapos silang sunduin ng militar nitong Biyernes ng hapon.

Dumating ang BRP Ramon Alcaraz sa Caminawit Port sa San Jose, Occidental Mindoro, pasado 3:30 ng hapon, sakay ang 22 crew ng F/B GEMVIR1 matapos na sunduin mula sa Vietnamese fishing vessel na sumagip sa kanila.

"Ang mga mangingisda na sakay ng PS16 BRP Ramon Alcaraz ng Philipine Navy ay nandoon na po sa vicinity ng San jose, Occidental Mindoro at doon po nila gagawin 'yung hand over ng mga mangingisda natin na nasagip ng mga Vietnamese fisherfolks at eventaully inilipat sa barko ng Philippine Navy," ayon kay Brigadier General Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

"Immediately, binigyan po sila ng tinatawag nating physical exam, pagkuha ng vital signs, at kung may nangangailangan ng gamot. Nakita rin po natin sa pictures at videos na ipinadala nila na binigyan po ng makakain itong mangingisda natin at binigyan ng lugar pahingahan," aniya.

CHINA, NAG-IIMBESTIGA

Sinimulan ng China ang malalimang imbestigasyon sa insidente, at ipinangako na parurusahan ang mga sangkot na crew sa oras na mapatunayang ang “irresponsible behavior”.

Ipinarating ito ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kasunod ng protesta ng pamahalaan.

“The fishing boat issue is being thoroughly and seriously investigated. We share your concerns about fishermen. If it were true that it was Chinese fishing boat which did it, they would be duely educated and punished for their irresponsible behavior,” ipinadalang mensahe ni Zhao kay Panelo.

“Incidents happen even in the best regulated family. We hope this incident could be held in a proper context,” dagdag ng ambassador.

-Martin A. Sadongdong at Genalyn D. Kabiling