MALAKAS na sinimulan ni PH chess wizard Oshrie Jhames Reyes ang kampanya sa pagbubukas ng 20th Asean + Age Group Chess Championships 2019 nitong Lunes sa Golden Mandalay Hotel and Hotel Hazel sa Mandalay City, Myanmar.

Ang Grade 3 pupil ng GNC Montessori sa Guagua, Pampanga ay nagpamalas ng kanyang husay sa opening kasunod ng pag mate sa kalabang Vietnamese na si Nguyen Xuan An sa 42 moves ng French defense, Euwe variation tangan ang white pieces sa Under 8 Open division ng Standard chess competition.
Ang pitong taong pambato ng Dila Dila, Santa Rita, Pampanga ay gumawa ng atake sa king’s side kasabay ng kagila-gilalas na sakripisyo ng kanyang kabayo 12th moves sa f7 square para makopo ang positional advantage.
“It’s a good start for Oshrie Jhames Reyes and the entire Philippine chess team, I hope they can perform well in the 20th Asean Age Group Chess Championships 2019 ,” sabi ni Jaime Reyes, ama ng batang kampeon.
Makakalaban ni Oshrie Jhames sa next round ay isa pang Vietnamese na si Nguyen Manh Duc na galing sa panalo sa kanyang kababayan na si Nguyen Van Nhat Linh.
“The first round is one of the toughest rounds in any tournament. It usually sets the tone of how you’re going to perform,” giit naman ni veteran chess player Juan “Jun” Rojano Jr., bahagi ng coaching staff ni Oshrie Jhames na kinabibilangan din nina International Master Barlo Nadera, Levis Miranda, Abel Dimalanta at Genghis Katipunan Imperial.
Nagtala din ng magkahiwalay na panalo sina Herson Bangay ng Lipa City, Batangas at Phil Martin Casiguran ng Caloocan City sa Round 1 sa Under 8 Open division ng Standard chess competition.
Ang iba pang opening day round winners ay kinabibilangan nina Al-Basher Buto ng Cainta, Rizal (U10), Oscar Joseph Cantala ng General Trias City, Cavite (U12), Gio Troy Ventura ng Dasmarinas City, Cavite (U12), Mark Jay Bacojo (U14) ng Dasmarinas City, Cavite, Jerish John Dalde Velarde ng Lapu-Lapu City, Cebu (U-14), Leonel Escote (U16) ng Cavite, Clyde Harris Saraos ng Cagayan de Oro City (U16), FM Stephen Rome Pangilinan ng Manila (U18), Istraelito Rilloraza ng Las Pinas City (U18), Christian Mark Daluz ng Bicol (U18), IM John Marvin Miciano ng Davao City (U20), NM John Merill Jacutina ng Quezon City (U20), John Marx Anastacio ng Mangaldan, Pangasinan (U20), Jhoemar Mendiogarin ng Calamba City, Laguna (U20) at Melito Ocsan Jr. ng Makati City (U20).