NGAYON ang ika-121 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan o Independence Day ng Pilipinas. Idineklara ni Gen. Emilio Aguinaldo na isang malayang bansa ang Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 sa Cavite matapos ang may 300 taong pananakop ng mga Kastila (Espanya). Noon namang Hulyo 4, 1946, idineklara ng US government ang kalayaan ng Pinas na sa loob ng 50 taon ay nasa ilalim ng United States.
Tanong: Naging malaya ba ang PH pagkaraang lagutin ang tanikala ng paninikil ng Espana? Naging malaya ba ang ating bansa matapos ipagkaloob ng US ang pagsasarili o kalayaan noong Hulyo 4, 1946? Masarap ang maging malaya. Kanais-nais ang maging tulad ng isang ibon na wala na sa hawla ng pagkaalipin. Subalit, ngayon ba ay tunay nang malaya ang bansa na pinagbuwisan ng buhay nina Rizal, Bonifacio, Del Pilar at iba pang mga bayani?
oOo
Nais ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na imbestigahan ang umano’y anomalya na sangkot ang ilang opisyal ng Philhealth tungkol sa isyu ng dialysis. Ito ay tungkol sa umano’y patuloy na paniningil ng bayad ng isang kompanya sa dialysis ng mga pasyente na patay na. Lumilitaw na magkasabwat ang ilang Philhealth officials at ang kompanya sa dialysis racket na patuloy raw sa paniningil ng bayad kahit ang mga pasyente ay patay na. Kapwa itinanggi ito ng dalawa.
Paiimbestigahan din daw kaya ni PRRD ang report naman sa paggamit ng bahagi ng pondo para sa Bangon Marawi o rehabilitasyon ng siyudad. Sa report ng Commission on Audit (COA), may 5 milyon ang ginamit sa Mecca pilgrimage ng Filipino Muslims na ang pondo ay para sa pagbangon ng Marawi City. Para kay Mano Digong, pabayaan na lang ito ng COA sapagkat mas mahalaga raw ang pilgrimage sa Mecca kaysa pagpapagawa ng kanilang bahay. Kontra rito si Sen. Panfilo Lacson, na nagsabing hindi isyu rito ang relihyon o bahay kundi ang paggamit ng pondo sa ibang bagay, na walang kaugnayan sa rehabilitasyon. Ito, ayon kay Sen. Ping ay “technical malversation.”
oOo
Payag si DSWD Sec. Rolando Bautista, dating hepe ng Philippine Army, na patawarin ang broadcaster na si Erwin Tulfo kung tutuparin ang mga kondisyon na ilalahad niya. Kung natatandaan ninyo, nagalit, ininsulto at binantaang sasampalin at ingungudngod sa inidoro ni Tulfo ang heneral dahil hindi niya napagbigyan ang broadcaster na ma-interview. Sinabihan pa niya si Bautista na “Kahit tao ka ni Pangulong Duterte”, hindi uubra sa kanya ang aksiyon ng dating Heneral.
Kabilang sa mga kondisyon ng DWSD Secretary na nilapastangan ni Tulfo ay: 1.Humingi ng public apology at ipalathala ito sa kalahating pahina ng mga pangunahing pahayagan; 2. Kailangang mag-post si Tulfo ng advertisements sa social media, tulad ng Facebook, Twitter, You Tube, Instagram, 3. I-broadcast sa mga radyo--Dzbb, Dzmm, Radyo Singko News FM92.3, Dzrh at Dzrb1 ang kanyang public apology.
Hiningi rin ni Bautista na labis na nasaktan sa pang-iinsulto ni Tulfo na siya’y mag-donate ng P300,000 sa 19 units na nakisimpatiya sa kanya, kabilang ang Philippine Military Academy, Philippine Military Academy Alumni Association, Inc, Philippine Army. Dapat din daw mag-donate ang broadcaster sa rehabilitasyon ng Marawi City at sa mga refugee.
Hindi maiwasang magtanong ang taumbayan sa ating Pangulo. Batid ng lahat na malapit at kaibigan ni PDu30 ang mga Tulfo. Hindi ba niya kokondenahin ang pagmamalabis ng mga ito, partikular ni Erwin Tulfo, na labis ang paglapastangan, pambabastos at pang-iinsulto sa isang magaling na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hinirang niya bilang Kalihim ng DSWD?
-Bert de Guzman