ANG hirap intindihin kung bakit palasak sa ating pamahalaan ang mga opisyal na kapit-tuko sa kanilang posisyon gayung kabila-kabila na ang bintang ng katiwalian at pandarambong laban sa mga ito, ng mismong mga tauhan nilang ‘di na masikmura ang nakikita na masamang pamamahala.

Ang matindi pa rito, ultimo ang bossing na nag-uutos ng imbestigasyon para na rin maipagtanggol ng mga inaakusahan ang sarili laban sa bintang ng mga tauhan nila, ay sinusuwag ng mga opisyal na ito dahil wala raw “jurisdiction” at karapatan na imbestigahan sila!

Oh ‘di ba – KAPIT-TUKO ang tawag sa mga ganyan? Kasi ang isang opisyal na may respeto sa kanyang sarili, kapag nakaramdam ng kahit na katiting na kawalan ng tiwala mula sa kanyang boss, ay agad na nagpa-file ng leave o tuluyan nang nagre-resign upang bigyan daan ang imbestigasyon at malinis ang kanyang pangalan.

Ang halimbawa nito ay ang kaguluhan saPhilippine Information Agency (PIA) -- ang tanggapan na dapat manguna sa pagpapalaganap ng magandang imahe ng pamahalaan – nang pumalag ang ilang empleyado na hindi na matiis ang umano’y pagmamalabis at pangungurakot ng kanilang mga amo.

Nakarating na sa Malacañang ang alingasngas sa PIA at napabalita nito lamang Lunes na may isang kalatas na galing kay Sec. Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), at pinagpapaliwanag si Undersecretary Harold Clavite, ang sentro ng reklamo ng korapsyon.

May ilang buwan ko na ring naririnig ang gusot sa PIA at nakumpirma ko ito nang makatanggap ako ng kopya ng reklamong inihain sa Ombudsman – limang kaso ng corruption at isang kaso ng pag-abuso sa kapangyarihan, na nakasentro kay Usec. Clavite at ilang opisyal.

Sa pag-uusisa, lumitaw na may mga empleyado sa PIA na naipit sa maanomalyang transaksiyon — gaya ng kanilang trust funds, pang-aabuso sa Collective Negotiation Agreement (CNA), paggalaw sa pondo ng paboritong proyektong TV show na “Like Pinas,” isang travel show – sa paggamit ng pondo na ginawa umanong palabigasan ng mga inirereklamo nilang ng opisyal.

Ito mismo ang iniimbestigahan ngayon ng legal department ng PCOO dahil may natanggap silang anonymous letter, na may kasamang mga dokumento na nagpapatunay sa nasabing anomaly sa PIA.

At ito ang siste – nang pumutok ang istorya hinggil sa kaso sa Ombudsman laban kay Clavite, may sagot agad ito sa social media, na wala namang kaso rito laban sa kanya. Paninira umano ito ng mga taong pinaiimbestigahan niya sa “Fact Finding Team” na binuo niya para dokumentuhan ang mga anomalya sa PIA.

Ngunit nang pumutok naman itong balita hinggil sa imbestigasyong gagawin ni Marvin Gatpayat, PCOO undersecretary for legal affairs – sapat na ebidensiya umano ang mga dokumentong natanggap nila para magsampa ng kaso –naiba ang tono ni Clavite at may halong pagsalangsang ang sagot nito sa memo ng PCOO.

Ani ni Clavite sa mga reporter na nagtanong kung ano ang reaksyon niya: “In the proper forum when the time comes…If a complaint was indeed sent to the Ombudsman, then the PCOO does not have jurisdiction over those complaints.” Dagdag pa niya: “The allegations are baseless and unsubstantiated. This is part of a demolition job being done against me because of the financial and organizational reforms that I have instituted in the Agency since I took office in 2016.”

Teka muna – nakalimutan yata ni Clavite na ang boss niya ay si PCOO Secretary Andanar at ang PIA ay “under” ng PCOO!

Kung totoo ang alegasyon -- sa aking palagay ay hindi ito sasantuhin ni Pangulong Duterte na mahigpit ang utos, na agad isalang sa sangkalan at sibakin ang mga kapalmuks na opisyal na saksakan ng corrupt sa kanyang administrasyon!

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E