INAALALA at binibigyang-pugay natin ngayong araw si Pangulong Emilio Aguinaldo, na nagdeklara sa Hunyo 12, 1898 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Ang 21-pahinang deklarasyon ay binasa sa bahay ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite, at sa kauna-unahang pagkakataon, iniladlad at iwinagayway ang watawat ng Pilipinas habang tinutugtog ang Marcha Nacional Filipina, ang Pambansang Awit ng Pilipinas, na unang beses ding napakinggan.
Gayunman, bigo ang Pilipinas na matamo ang pandaigdigang pagkilala sa kalayaan nito. Matapos na magtagumpay sa Spanish-American War, sinakop ng mga Amerikano ang ating mga isla, at hinarap ni Aguinaldo ang mga Amerikano sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Hulyo 4, 1946 nang bitiwan ng Amerika ang kontrol nito sa ating mga isla. Sa sumunod na 19 na taon, ipinagdiwang natin ang Hulyo 4, 1946 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pinangunahan naman ni Pangulong Diosdado Macapagal ang maraming iba pang lider na Pilipino sa paninindigan na higit na dapat bigyang-prioridad ang proklamasyon ni Aguinaldo ng kalayaan ng bansa noong 1898, kaysa sa pagsasariling iginawad ng Amerika sa Pilipinas noong 1946. Taong 1962 nang ipinalabas niya ang Presidential Proclamation 28 na nagdedeklara sa Hunyo 12 bilang isang special public holiday “in commemoration of our people’s declaration of their inherent and inalienable right to freedom and independence”. Makalipas ang tatlong taon, noong 1965, pinagtibay ng Kongreso ang Republic Act 4166 na nagdedeklara sa Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Kaya naman ngayon, kasabay ng pag-alala at pagbibigay-pugay natin kay Pangulong Aguinaldo, ginugunita at binibigyang-pugay din natin si Pangulong Macapagal at ang iba pang Pilipinong lider na, bagamat ipinagpapasalamat ang paggawad ng Amerika sa kalayaan ng bansa noong 1946, ay higit na kumikilala sa kahalagahan ng pagsasakripisyo at katapangan ng mga Pilipinong rebolusyonaryo, na iginiit at iprinoklama ang kanilang masidhing hangarin at ang kanilang karapatan na maging malaya at hindi nasasakop ng sinuman o anuman.
Ngayon, sa Rizal Park, sa harap ng Monumento ni Rizal, idaraos ang tradisyunal na seremonya ng pagtataas ng bandila upang bigyang-pagkilala ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Magsasagawa rin ng mga kaparehong seremonya sa mga bayan at siyudad sa iba’t ibang dako ng bansa. Kikilanin din ang mabilis na naglagasang bilang ng mga bayaning nakipaglaban para sa bansa sa mga digmaang nanindigan kontra sa pananakop ng mga dayuhan.
Sa nakalipas na mga taon, nasaksihan natin ang maraming pangyayaring naging mahalaga sa pagsibol at kaunlaran ng bansa—ang ating mga sundalo at gerilya ay magiting na nakipaglaban kontra sa pananakop ng mga Hapon at ng mga puwersang kaalyado nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang pakikibahagi natin sa mga operasyon ng United Nations sa Korea at Vietnam, at ang EDSA People Power Revolution noong 1986. Nakatulong ang lahat ng ito sa paghubog sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino, at gugunitain natin ito ngayong araw.
Subalit partikular na pagtutuunan ang makasaysayang eksena sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898, nang ang mga Pilipino, nauna sa iba pang mga bansang Asyano sa sinakop ng mga dayuhan, ay nagdeklara ng kanilang kalayaan mula sa ilang siglo ng pananakop.
Nagpapatuloy ang pakikibaka sa maraming larangan—sa ekonomiya, panlipunan, kultura, pulitika—dahil hindi pa natin ito ganap na natatamo. Maaaring gawing inspirasyon natin ang mga pinuno ng Rebolusyong Pilipino, at makiisa sa patuloy na pagpupursige ng mga pinuno natin ngayon upang ganap nating makamtan ang tunay na kalayaan natin bilang isang bansa.