Inatasan ni Pangulong Duterte ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga iregularidad sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Inanunsiyo ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag matapos na makipagpulong ni Duterte sa mga board member ng state insurance fund sa Malacañang, nitong Lunes.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Panelo na inatasan ang NBI na imbestigahan ang mga iregularidad sa PhilHealth, ngunit siniguro naman niyang bukas pa rin sa puliko ang serbisyo ng PhilHealth kahit sumasailalam na ito sa imbestigasyon.
"President Duterte directed the National Bureau of Investigation to conduct a full-scale investigation on the alleged irregularities concerning the past practices of PhilHealth," sabi ni Panelo nitong Lunes ng gabi.
"We assure our people that the services of PhilHealth will remain unhampered as operations will continue and will be momentarily run by second-level officials pending the subject investigation," dagdag pa niya.
Kamakailan ay sinabihan ni Duterte si PhilHealth acting president Roy Ferrer, mga board member, at regional vice president na mabitiw sa puwesto dahil sa alegasyon ng umano’y nalustay na milyun-milyon ng korporasyon.
Samantala, isang doktor ang balak italaga ni Duterte na mamuno sa PhilHealth bilang bahagi ng “paglilinis” dito.
Inanunsiyo ni Presidential Spokesman Salvador Panelo nitong Martes na hinihintay pa umano ng Pangulo ang sagot ni Dr. Jaime Cruz sa alok nitong maging bahagi ng PhilHealth.
Ang pangalan ni Cruz ay binanggit ng Pangulo habang tinatalakay ang alegasyon laban sa PhilHealth, sa isinagawang Cabinet meeting sa Malacañang nitong Lunes.
-Argyll Cyrus B. Geducos at Genalyn Kabiling