WASAK ang Marawi City nang bombahin ng mga eroplano ng Philippine Air Force (PAF) ang siyudad sa utos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na kinaroroonan ng mga kuta ng teroristang Maute Group at ng tulisang Abu Sayyaf sa pamumuno ni Isnilon Hapilon.

Nalipol ang Maute brothers, napatay si Hapilon at mga kasama. Tagumpay ang pambobomba. Kailan kaya tuluyang makababangon ang siyudad?

Gayunman, nawasak ang magandang Marawi City na itinuturing na hiyas sa Mindanao. Ito ay nagmistulang Ground Zero, gaya ng pagkawasak ng Twin Towers sa New York City, na kagagawan ng mga teroristang kampon ni Bin Laden.

Sa pagkalugmok ng lungsod ng Marawi, naalaala ko tuloy ang naririnig ko noon hinggil sa paglutas ng problema sa salot ng daga sa isang bahay. Ang solusyon daw ay sunugin ang bahay, tiyak na lipol at sunog din ang mga daga.

Isa pang problema ng komunidad o ng barangay ay ang pagkakaroon ng maraming istambay na lalaki sa isang kanto. Masyado raw maingay at banta pa sa kaligtasan ng mga tao o nagdaraan, ang kanto na iniistambayan ng mga pasaway. Ang solusyon daw, tanggalin ang kanto para mawala ang mga istambay.

Humigit-kumulang, parang ganito ang nangyari sa Marawi City nang bombahin at durugin ng PAF planes ang pinagkukutaan ng mga terorista at tulisan. Napatay o nalipol nga ang mga ito, pero ang naging bunga naman ay ang kalunus-lunos na pagkawasak ng siyudad, pagkasira ng ekonomiya, paaralan at mga gusali.

oOo

Sa selebrasyon ng Eid’l Fitr noong Miyerkules, hinimok ni Mano Digong ang Muslim Filipinos na manatiling kaagapay at kasama ng gobyerno sa pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaunawaan sa buong bansa.

Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang mga Pilipinong Muslim na lalo pang palalimin at paigtingin ang kanilang role o gampanin bilang instrumento ng pagmamahalan, sakripisyo, respeto at self-service. Ang ating Pangulo, kung natatandaan ninyo ay malimit magsabing siya ay may lahing Muslim dahil ang kanyang lola ay isang Maranao.

oOo

Sa isyu ng sigalot sa West Philippine Sea (WPS), nanindigan si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi siya mag-i-inhibit sa deliberasyon ng SC hinggil sa Writ of Kalikasan petition ng mga mangingisda sa Zambales at Palawan.

Naghain ng petisyon ang mga mangingisda noong Abril 6 upang pilitin ang gobyerno na protektahan, ipreserba at i-rehabilitate ang Panatag (Scarborough) Shoal, Ayungin Shoal at Panganiban Reef na labis na nasisira o nawawasak dahil sa malawakang land reclamation ng China roon.

Mabuti pa si Justice Carpio at may tunay na “bayag” kaugnay ng usapin sa WPS at sa pag-okupa ng China sa mga teritoryo natin doon. Hindi siya katulad ng ibang lider na natatakot sa dambuhalang bansa ni Xi Jinping. Hindi namin natin intensiyong makipaggiyera sa dambuhala, manapa nais lang nating paalalahan ang dragon na ang mga shoal at reef na kanilang dinadapurak ay saklaw ng Pilipinas.

-Bert de Guzman