MAYO 15, dalawang araw makalipas ang midterm elections nitong Mayo 13, sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ang Random Manual Audit (RMA) nito sa resulta ng halalan, katuwang ang lead convenor na Legal Network for Truthful Elections (LENTE) at Philippine Statistical Authority (PSA).
Itinatakda ng batas ang RMA upang matiyak na ang resulta ng halalang naitala ng mga voting machines ay tugma sa aktuwal na mga boto. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkukumpara sa mga resulta ng botohan sa sample ng mga voting precincts sa resulta ng manu-manong bilangan.
May kabuuang 715 voting precincts ang pinili nang walang sistema mula sa mga munisipalidad sa bansa, na pinili lang din nang walang partikular na ikinonsidera. Apat sa 715 ang hindi isinama sa manu-manong pagbilang dahil sa iba’t ibang dahilan. May mga sobrang balota na natuklasan sa isang voting precinct sa isang barangay sa Quezon City. May ilang balota naman na nawawala sa isang precinct sa Lanao del Sur. Mga punit-punit namang balota ang natagpuan sa lalawigan ng Quezon, samantalang ang mga balota sa isang voting precinct ay napunta sa ibang precinct sa Cebu.
Ito ang mga suliraning hinaharap sa pag-usad ng proseso sa eleksiyon, hindi ang paggana ng mga voting machines. Hindi kasama ang apat sa 715 piniling precincts, dahil iginiit ng PSA na makaaapekto ang mga ito, sa aspeto ng estadistika, sa magiging resulta ng RMA. Mayo 15 nang simulan ang manu-manong pagbilang sa mga balota sa 711 precincts. Hunyo 6 naman iniulat ng RMA Committee ang natuklasan nito, o makalipas ang 23 araw.
Natukoy sa resulta ang accuracy rate na 99.9953 porsiyento sa pangkalahatan. Para sa bilangan sa mga boto para sa senador, mayroong 99.9971 porsiyento; para sa mga boto sa Kamara, 99.9946 na porsiyento; at para sa mga lokal na opisyal, 99.9941 porsiyento.
Matagal nang may panawagan upang ibalik sa Pilipinas ang manu-manong botohan, sa harap na rin ng pagdududa sa pagiging tumpak ng pagbilang ng mga vote-counting machines mula sa Smartmatic. Tinanggihan ng Comelec ang lahat ng pagpupursigeng ito, binigyang-diin ang napakalaking bentahe ng automated elections at ang kawalan ng ibeberipikang quantitative data na magbibigay-dahilan para sa kawalang tiwala. Simula taong 2010, umaabot na sa 103 ang electoral complaints na natanggap ng Comelec. Gayunman, sa lahat ng reklamong ito ay natukoy na walang kaibahan ang naitala ng manu-manong bilangan sa electronic results.
Ang bilis at pagiging tumpak ng mga vote-counting machines ay nakatulong din upang maibsan ang tensiyon na karaniwan nang kaakibat ng halalan sa Pilipinas. Nakinabang din ang Philippine National Police at ang Armed Forces of the Philippines sa automated elections, dahil kumaunti ang bilang ng mga insidente ng karahasan na may kinalaman sa eleksiyon simula nang ilunsad sa bansa ang automated elections noong 2010. Nakapag-ulat din ang Department of Education ng mas kakaunting insidente ng karahasan laban sa mga gurong nagsisilbi sa halalan.
Subalit nanawagan ngayon si Pangulong Duterte sa Comelec na bitiwan na ang Smartmatic, tinukoy ang alegasyon ng oposisyon na nagkaroon ng dayaan sa mga nakalipas na halalan, kabilang noong 2016, na kakatwa namang pinanalunan ng mismong Presidente. Inihayag naman ng Comelec na naghahanap ito ng legal na basehan upang itigil na ang pakikipagtrabaho sa Smartmatic alinsunod sa hiling ng Pangulo, subalit magiging pahirapan ito.
Dahil sa inilabas na resulta ng Random Manual Audit na nagpapakita sa nakamamanghang 99.99 na porsiyentong pagkakatugma ng bilang ng mga voting machines sa manu-manong bilangan, mas mahihirapan pa ang Comelec na tuluyan nang talikuran ang Smartmatic at ang mga makina nito