Hihirit ang Department of Justice (DoJ) sa hukuman ng precautionary hold departure order (HDO) laban sa mga may-ari ng kontrobersiyal na WellMed Dialysis Center.
Paglillinaw ni DoJ Secretary Menardo Guevarra, ang hiling na precautionary HDO ay ipatutupad sa oras na naisampa na ang mga kaso laban sa mga may-ari ng nasabing dialysis center, kabilang na si Dr. Brian Sy na nauna nang lumutang sa NBI upang linisin ang kanyang pangalan sa usapin.
Sa pamamagitan aniya ng precautionary HDO, kaya nitong ialerto ang Bureau of Immigration laban sa mga personalidad na may nakabimbing kaso sa DoJ.
Inaasahang isasalang sa inquest proceedings si Sy para sa kasong estafa at falsification of public document kaugnay ng kontrobersiya.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Senator Sonny Angara sa pamahalaan na tiyaking maparusahan ang mga sangkot sa "ghost dialysis", kabilang na ang mga kawani at opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“We need some punitive measures --we need to punish those who are guilty -- as well as preventive measures para hindi na maulit ito,” ani Angara.
Idinahilan nito na kaya naipasa ang tobacco excise tax dahil na rin sa universal health care (UHC) at hindi naman makatwiran na maibulsa lang ng iilan ang pinaghirapang pera ng taumbayan.
Bukod, aniya, sa kurapsiyon, nakapanghihina rin ang anomalya
dahil mismong mga pasyente ang ninakawan nila ng pera.
“These are people who are close to death. So, tinanggalan ng dialysis treatment ‘yung mga kailangan ng dialysis. These are people, who, if they don’t get their dialysis, they may die in month’s time,” dagdag ng senador.
-Beth Camia at Leonel M. Abasola