SI Gloria Macapagal Arroyo ay isa sa mga naging pangulo ng Pilipinas na halos ipako sa krus ng kanyang mga kritiko dahil sa sapin-saping bintang ng pandarambong na isa-isa namang nai-dismiss, habang tahimik siyang nagdurusa sa piitan hanggang sa lubos na mapawalang-sala ng hukuman.
Sa kabila ng lahat ng ito – para sa akin, at sa palagay ko ay sa marami ngunit tahimik na nag-iisip na mga Pilipino – malaking bahagi sa naging pag-angat ng ekonomiya ng bansa ay ‘di maitatatwa na kredito sa panunungkulan niya bilang pangulo sa loob ng siyam na taon.
Idagdag pa natin ang panahon nang maging isa siyang mambabatas, lalo na nitong huling 68 araw nang makulay niyang pamumuno bilang Tagapagsalita ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas (Speaker of the House) at 3rd termer na kinatawa ng 2nd District ng Pampanga.
For the record, sa panahon ng 17th Congress na kinabibilangan ni SGMA, ay umabot sa 250 ang naging batas mula sa 800 na aprubadong bills, na naproseso mula sa 2,500 measures. Take note – kasama rito ang mga batas na Universal Access to Free Tertiary Education (RA 10931), Universal Health Care (RA 11223), Magna Carta for the Poor (RA 11291), at ang pamosong batas na 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (RA11310), na ang tanging makikinabang ay ang mga mahihirap na Pilipino!
“The 880 measures we approved include all the bills highlighted by President Rodrigo Duterte in his 2018 State of the Nation Address (SONA). For early on, I defined our principal objective in no uncertain terms as to push for the legislative agenda of President Duterte. Our House focused on the passage of priority bills, especially those highlighted in his 2018 SONA,” bahagi ng talumpati ni SGMA.
Isa na rito ang Universal Health Care Bill na naipasa noong February 20, 2019. Sinisiguro ng batas na ito na ang lahat ng Pilipino ay pagkakalooban ng pamahalaan ng lahat ng kailangang pangkalusugan kasama na ang “preventive, promotive, curative, rehabilitative, and palliative care for medical, dental, mental, and emergency health services.”
Ang National ID System ay isa rin sa naisabatas agad, ngunit ‘di ko lang talaga maintindihan kung bakit patuloy pa rin na sinasalungat naman ng ilang grupo, gayung halos standard na ito sa lahat ng bansa sa buong mundo.
Para naman sa ating mga magsasaka at mangingisda o iba pang negosyanteng maliit lamang ang puhunan ay isinabatas ang Personal Property Security Act, na puputol sa masamang gawi ng mga tinatawag nating “loan shark” o mga nagpapautang ng 5/6 (five-six).
Sagot naman sa kawalan ng trabahong mapapasukan ng mga kabataan, lalo na ‘yung mga bagong graduate sa kolehiyo, ay ang mga batas na School Career Guidance Counseling Act at ang First Time Jobseekers Act.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na sa panahong ito ng Duterte Administration, kung hindi sa katangi-tangi niyang pagtimon sa Kamara bilang Speaker, anong batas ang maipagmamalaking naipasa ng Senado? Kaya naman, ibigay natin kay SGMA ang papuring nararapat, lalo na ngayong opisyal na niyang inanunsiyo ang pagreretiro sa daigdig ng pulitika.
“We are all on a journey together. As our nation moves forward, let us all join hands in unity and walk confidently towards a better tomorrow. From the bottom of my heart, I thank you for giving me the honor and privilege of serving you,” ang paalam ni SGMA.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.