SANA naman ay maiwasan o mabawasan ang paninigarilyo ng mga Pinoy, lalo na ng kabataang lalaki at babae, ngayong aprubado na ang panukalang nagtataas sa buwis ng mga produktong tabako. Ipinasa ng Senado noong Lunes ng gabi ang pagtataas sa excise tax ng tobacco products, na sinertipikahan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte bilang urgent.
Epektibo sa Enero 1, 2020 ang P45 increase sa bawat pakete ng sigarilyo; P50 bawat pakete sa Enero 2021; P55 bawat pakete sa Enero 2022; at P60 bawat pakete sa Enero 1,2023. Kasunod nito ay 5 porsiyento ng annual tax hike simula Enero 2024.
Kapag ito ay naging ganap na batas matapos i-adopt ng HOR ang bersiyon ng Senado at nakaraos sa bicameral conference committee, ipadadala sa Pangulo para lagdaan. Kapag ito ay naging batas na, magiging ika-8 beses na ito sa pagtataas na buwis sa mga produktong tabako mula noong 2012.
Siyanga pala, dapat hangaan at purihin ang Pangulo nang iutos at manindigang ibalik ang 69 na container ng barusa na itinambak ng Canada sa Pilipinas noong 2013-2014, na panahon ni ex-Pres. Noy. Kumpara kay PNoy, may political will si PRRD. Ang hindi nga lang maganda rito, naghamon pa siya ng giyera sa Canada nang nabigo ang bansa ni Prime Minister Justin Trudeau na hakutin ang mga basura noong May 15 deadline na ibinigay ni PRRD. Ano, makikipaggiyera tayo sa Canada gayong malimit niyang sabihin na mahina at walang puwersa ang ating AFP at PNP?
May kasabihang “Give the credit where credit is due” o sa wikang Tagalog ay ibigay ang kredito sa tama at angkop na pasalamatan. Sa isyu ng pagpapabalik ng tone-toneladang basura ng Canada, kilalanin ang katatagan ng Pangulo. Dapat din nating kilalanin ang paninindigan niya na ipagbili ang mga alahas ng Marcos Family, na nagkakahalaga ng mahigit sa P700 milyon.
Sa usapin ng mga alahas o jewelry collection ni ex-First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda R. Marcos, muling pinanindigan ni Mano Digong na isubasta at ipagbili ito, subalit dapat tiyakin ng mga opisyal ng gobyerno at ng Presidential Commission on Good Government (PCCG), na ang proceeds o mapagbibilhan ay mapupunta sa sambayanang Pilipino.
Kung si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at ngayon ay Speaker ng Kamara ay itinuturing na “Taray Queen” noon, ngayon naman ay may “Taray Queen” din ang Senado. Siya ay si Sen. Cynthia Villar na topnotcher sa nakaraang eleksiyon.
Tinarayan daw ni Sen. Cynthia, asawa ng pinakamayamang tao sa Pilipinas na si Manny Villar, sina Sen. Manny Pacquiao at Sen. Koko Pimentel nang lumapit si Manny para papirmahin ang senadora sa isang resolusyon na nagsusulong ng suporta para manatili si Senate Pres. Tito Sotto sa puwesto.
Galit daw si Sen. Villar dahil kung bakit idadawit siya sa isyu ng pagiging lider ng Senado gayong ang dapat gawin nina Pacquiao at Pimentel ay lapitan at ayusin ang kapwa nila PDP-Laban partymates para suportahan si Sotto. Napanganga at natameme sina Manny at Koko.
Ang nais ni Villar ay mabigyan ng angkop na chairmanships ng komite sina Senator-elect Imee Marcos at Senator-elect Pia Cayetano. Ang dalawa ay kasapi ng Nacionalista Party. May mga haka-haka na baka isabak nila si Sen. Cynthia sa pagka-Senate president, pero ito ay pinabulaanan ng ginang ng pinakamayang negosyante sa ‘Pinas.
-Bert de Guzman