INAASAHANG matatapos na ng Department of Agrarian Reform (DAR) ngayong taon ang anim na taong Mindanao Sustainable Agrarian and Agriculture Development Project (MinSAAD), na layuning mapaunlad ang agrikultural na produksiyon at kita ng mga magsasaka sa 12 settlement areas na matatagpuan sa Mindanao.

Ang MinSAAD ay pinondohan ng gobyerno ng Japan, sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa P3.34-bilyon na loan, at ng pamahalaan ng Pilipinas, na may bahagi na P1.05 bilyon. Isa ito sa limang foreign-assisted projects ng DAR.

Ayon kay Eduardo Suaybaguio, MinSAAD-DAR 11 (Davao Region) project manager, naaantala ang proyekto mula nang simulan ito noong 2012 ngunit makukumpleto na ang major components nito ngayong taon.

Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng proyekto ang Agricultural, Agribusiness and Agro-forestry Development (AAD), Institutional Development, Rural Water Supply Development, Procurement of Equipment and Project Management.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pitong probinsiya, sinabi ni Suaybaguio na ang Lanao del Norte at North Cotabato ang may pinakamalaking bahagi sa mga proyekto.

Mayroong 73 proyekto sa Lanao, 66 sa North Cotabato, 42 sa Sultan Kudarat, 23 sa Bukidnon, 23 sa South Cotabato, 22 sa Davao del Sur, at 16 sa Compostela Valley. Ang mga pangunahing proyekto ay nasa bahagi ng mga ancestral domain, at ang mga benepisyaryo ay ang mga katutubo at ang mga nakikinabang sa repormang agraryo.

Ayon kay Suaybaguio, nasa 65 proyektong imprastruktura ang naipatupad na, 71 ang kasalukuyang tinatapos, habang dalawa ang kinansela.

Sa 90 na natapos na proyekto, 17 aniya, ang para sa farm-to-market roads, dalawa sa tulay, anim para sa irigasyon, 49 para sa post-harvest facilities, at 16 para sa rural water supply projects.

Sa pagtatapos ng MinSAAD, sinabi ni Suaybaguio na umaasa ang DAR at mga katuwang nitong sektor na makikita ang kalalabasan ng mga proyekto.

Sa Compostela Valley pa lang, aniya, kumikita na ang mga magsasaka ng limang porsiyentong mas mataas kumpara sa dati nilang kinikita.

“This is just an initial assessment but the full report will be submitted at the end of the project,” ani Suaybaguio.

Kamakailan, nilagdaan ng DAR at ng mga katuwang nitong ahensiya, kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Philippine Coffee Advancement Farm Enterprise (PhilCAFE), ang memorandum of understanding para sa infrastructure support interventions na kayang ibahagi ng mga ahensiya para sa pagpapatatag ng enterprise projects na pinasimulan ng MinSAAD.

-PNA