PAGKATAPOS ng pulong sa bahay ni Sen. Manny Pacquiao ng supermajority bloc nitong nakaraang Miyerkules ng gabi, mananatiling Senate President si Vicente Sotto III, ayon kay Sen. Miguel Zubiri. Partikular na tinalakay at niremedyuhan sa nasabing pulong ang sigalot sa pagitan ng mga incumbent at bagong halal na senador kaugnay committee chairmanship. Ang kasasalta lang kasi sa Senado ay namili na ng mga nais nilang komite kahit tangan ito ng mga incumbent. Nagbanta pa silang papalitan si Sotto. Kaya hindi naging maganda sa panlasa ang inasal ng mga kahahalal na senador kay Sen. Ping Lacson na matagal nang nanungkulang senador. “Nang bago pa lang ako sa senado, tahimik ako at hinintay ko na lang ang komiteng mapupunta sa akin,” sabi ni Lacson.
Sa text message ni Senate President Sotto sa mamamahayag, 95 porsyento nang maayos ang lahat, isa o dalawang komite na lang ang naiwan. Kaya, ayon kay Sen. Bong Go, tiniyak ng mga senador mula sa PDP-LABAN ang kanilang suporta sa patuloy na pamumuno ni Sotto sa Senado.
Kasi naman, inalok sa kanya, bukod sa Health committee, ang Committee on Sports at Urban Planning Housing and Resettlement. Nakatakda namang pamumunuan ni incoming senator Ronald dela Rosa ang Senate Committee in Public Order and Dangerous Drugs. Iniaalok din sa kanya ang Committee on Peace, Unification and Reconcilation. Kinumpirma ni Sotto na hahawakan ni incoming senator Francis Tolentino ang Senate Committee on Local Government. Samantala, iyong hawak ni Sen. Leila de Lima na Committee on Social Justice and Rural Development ay pinag-iintresan ni incoming senator Imee Marcos.Ang hindi dumalo sa pulong ay sina Sen. Lacson, Aquilino Pimentel III, Pia Cayetano, Cynthia Villar at mga miyembro ng Senate minority na sina Senate Minority leader Franklin Drilon, Sen. Risa Hontiveros, Francis Pangilinan at De Lima na pansamantalang nakapiit.
Samantala, dismayado si Lacson sa inasal ng mga incoming senators na agresibong maipasa sa kanila ang minimithing komite kahit hawak pa ang mga ito ng mga incumbent senators. Iginigiit ni Senate Minority Leader Drilon ang equity of the incumbent. Kung ang mga komite ay hawak na ng mga incumbent senators, huwag na itong pakialaman.
Sa pagnanais ni Sotto na manatili sa puwesto, binalewala niya ang patakarang equity of the incumbent. Hinayaan niyang makuha ng mga kahahalal lamang na mga senador ang mga komite na ng mga incumbent, lalo na iyong pinamumunuan na ng mga minority senators. Pero magkakaroon na naman ng paggalaw ang supermajority, kapag naramdaman nila ang bantang nais maging presidential candidate ni Sotto sa 2022. Malamang na lumaban si Sotto dahil may showbiz power siyang kayang magpanalo ng kandidato tulad nina Sen. Lito Lapid at Bong Revilla, kahit kaaabsuwelto pa lang nito sa kasong plunder.
-Ric Valmonte