NAG-ADJOURN sine dine na ang Kamara de Representantes nitong Lunes ng gabi, Hunyo 4, at ipinagmalaki ang pinakamaraming 880 panukalang naipasa nito sa tatlong regular session ng 17th Congress, 250 sa nasabing bilang ay inaprubahan sa pinal na sesyon na pinangunahan ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ang marahil ay pinakamakasaysayan sa mga panukalang ito ay ang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, o ang Republic Act 11054. Ayon kay Pangulong Duterte, kailangan ang nasabing batas upang maituwid ang “historic injustice” sa mamamayang Moro sa Mindanao, at sa ikatlong taon ng kanyang termino, tumugon ang Kamara sa pag-apruba nito sa Bangsamoro law.
Tinukoy ni Speaker Arroyo ang ilan pang batas na inaprubahan ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling sesyon. Kabilang dito ang Secondary School Career Guidance Counselling Act, ang First-time Jobseekers Act, ang Universal Health Care Program, ang National ID System, ang Department of Human Settlements and Urban Development, ang Telecommunicating as an Alternative Work Arrangement for Employees, ang Strengthening the Policy of HIV-AIDS, ang Integrated Cancer Law, ang Providing for the Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict, ang Amending the Central Bank Act, ang Institutionalizing Energy Efficiency and Conservation, at ang Security of Work Tenure Bill.
Sa kanyang talumpati ng pamamaalam sa huling araw ng Kongreso nitong Lunes, binigyang-diin ni Arroyo na pangunahing hangarin niya bilang pinuno ng Kamara ay ang suportahan ang mga pamana ni Pangulong Duterte sa bayan. Ayon sa kanya, nagtanim ng maraming mabubuting binhi ang administrasyon sa mga naging pagpapasya nito, sa mga ipinanukalang batas, sa mga pakikipag-ugnayan sa labas ng bansa, at sa matatapang na reporma. Nanawagan siya sa lahat na tumulong upang ang mga binhing ito ay magbunga sa mga nalalabing panahon ng termino ng Presidente.
Sa huling araw ng ikatlo at pinal na sesyon, inaprubahan ng Kamara ang resolusyon na kumikilala sa pamumuno ni Speaker Arroyo sa kapulungan upang maaprubahan ang lahat ng panukala na prioridad ni Pangulong Duterte, alinsunod sa binanggit nito sa State of the Nation Address noong nakaraang taon. Sa ilalim ng pamumuno ni Arroyo, ayon sa resolusyon, nagtagumpay ang Kamara, sa kabila ng magkakaibang paninindigan ng mga kasapi nito, na matiyak ang maayos na pakikipagtrabaho nito sa Senado at sa Ehekutibo.
Naghahanda na ngayon ang mga miyembro ng Kamara sa opening session sa Hulyo 22, lalo na at matindi ang kumpetisyon para sa posisyon ng Speaker. Dahil tatlong termino na, ang pinakamatagal na pinapayagan sa Mababang Kapulungan, ang napagsilbihan ng kongresista ng Pampanga, hindi na siya bahagi ng bagong Kongreso.
Nagtakda si Speaker Arroyo ng halimbawa ng mahusay na pamumuno at pagtatagumpay na inaasahan nating maipagpapatuloy ng mga susunod na pinuno ng Kamara de Representantes sa ika-18 Kongreso ng Pilipinas.