MAAGANG makakabangga ng Pilipinas ang South Korea sa darating na 2021 FIBA Asia Cup qualifiers base sa resulta ng isinagawang draw nitong Sabado sa Bangalore, India.
Kapwa napabilang ang Gilas Pilipinas at ang South Korea sa Group A kasama ng Indonesia at Thailand matapos ang idinaos na draw ceremony.
Mismong si dating national team captain Jimmy Alapag, na dumalo sa okasyon ang nakabunot sa Pilipinas sa unang draw.
Base sa bagong format ng qualification para sa FIBA Asia Cup, parehas na ito sa FIBA World Cup kung saan ang 24 na teams ay hahatiin sa anim at maglalaro ng home-and-away simula Nobyembre 2019, Pebrero 2020, at Nobyembre 2020.
Ang top two teams sa bawat grupo ay awtomatikong uusad sa 2021 Fiba Asia Cup habang ang apat pang koponan ay manggagaling sa quarterfinal tournament na gaganapin sa Pebrero 2021 sa pagitan ng mga tumapos na third placers sa anim na grupo.
Pinangungunahan naman ng China, ang third-ranked team sa Asia ang Group B kasama ang Japan,Chinese-Taipei, at Malaysia.
Binubuo naman ang Group C ng Asian No.1 Australia, New Zealand, Guam, at Hong Kong.
Magkakasama naman sa Group D ang Lebanon, India, Iraq, at Bahrain.
Napabilang naman sa Group E ang second ranked team sa Asia na Iran kasama ng Qatar, Kingdom of Saudi Arabia, at Syria.
Nabunot naman sa Group F ang Jordan, Kazakhstan, Palestine at Sri Lanka.
Wala pang inihahayag na plano ang Samahang Basketbol ng Pilipinas tungkol sa Fiba Asia Cup qualifiers dahil nakatuon ang kanilang pansin sa darating na 2019 Fiba Basketball World Cup na gaganapin sa Setyembre sa China.
-Marivic Awitan