MAY panibagong fish kill na iniulat sa Taal Lake nitong Biyernes, nang libu-libong patay na bangus at tilapia ang nagsilutang sa mga palaisdaan sa lawa, sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo sa Batangas. Matindi ang init ng panahon nang araw na iyon, na sinundan ng napakalakas na ulan pagsapit ng hapon.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), posibleng ang ikinamatay ng mga isda ay ang pagbaba ng dissolved oxygen sa mababaw na bahagi ng lawa, na mula sa normal level nitong 6 parts per million (ppm) ay bumulusok sa 0.86 ppm noong nakaraang linggo. Ang mga isdang pinalalaki sa mga palaisdaan ay nangangailangan ng oxygen na nasa pagitan ng 5 ppm hanggang 6 ppm, ayon sa kawanihan.
Sinabi naman ng ilang eksperto sa pangisdaan na posible rin na ang fish kill ay dulot ng pagtaas ng sulphur mula sa kailaliman ng lawa, kasunod ng malakas na ulan sa pagtatapos ng maalinsangang maghapon.
Ang maramihang pagkamatay ng mga isda ay maaaring dulot din ng mga sakit mula sa mga virus at bacteria, pagdami ng lumot, pagkalason mula sa maruming tubig, at mataas na antas ng hydrogen sulfide. Ang fish kill sa Pampanga River noong 2017 ay natukoy na bunsod ng mga dumi mula sa isang alcohol fermentation plant.
Noong 2006, natuklasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mayroong 14,000 fish cages sa Taal Lake, gayung ang ideyal lamang sa lawa ay 6,000 fish cages. Binawasan ang mga palaisdaan, hanggang sa makatupad sa pinapayagang limitasyon nito noong 2011. At sa panibagong fish kill na naitala, sinabi ng DENR na kakailanganin nitong bawasan pa ang mga papayagang fish cages sa lawa, at ikokonsidera rin ang dumadaming negosyong pangturismo sa paligid ng Taal Lake.
Nakatuon ngayon ang atensiyon ng gobyerno sa Taal, at mismong si Pangulong Duterte ay nagpahayag ng pagkabahala. Matatandaang minsan nang pinuna ng Presidente ang sangkatutak na fish cages na nakita niya sa Laguna de Bay mula sa pagkakasakay niya sa eroplano patungong Davao sa unang taon ng kanyang pamumuno. Mabilis naman ang naging tugon niya sa kaso ng Boracay, na ipinasara niya sa loob ng anim na buwan para isailalim sa rehabilitasyon, at ipinag-utos niya rin ang umuusad ngayon na malawakang paglilinis sa Manila Bay.
Ikinokonsidera ngayon ng DENR ang pagpapatupad ng single-growth cycle para sa mga fish cages upang bigyan ng sapat na panahon ang lawa na makabawi sa matinding aktibidad ng mga naghahanap-buhay dito. Ang maramihang pagkamatay ng mga isda ay isang sintomas, isang senyales na mayroong problema.
Panahon na marahil na ipagkaloob sa Taal at sa iba pang mga lawa, ilog, at baybayin sa bansa ang pahingang kinakailangan ng mga ito mula sa mga pagsasamantala ng mga ang tanging hangad ay pagkakakitaan.