IPINAG-UTOS ng Philippine National Police (PNP) Directorate For Operations ang agarang pagimbestiga at magsagawa ng pagkilos upang masawata ang umano’y illegal na e-sabong na isinasagawa ng Manila Cockers Club, gayundin sa mga Off Cockpit Betting Stations (OCBC) gamit ang Manila Jockey Club Off Track Betting Stations (OTB).
Sa kautusan ni Police Major General Mao Aplasca, PNP Director for Operation, na may petsang Mayo 27, 2019, sa PNP Director for Operation, inatasan niya ang Regional Director of Police Regional Office 4A, PNP Intelligence Unit and Criminal Investigation and Direction Group ‘to investigate, validate and take appropriate action on the matter’.
Inalabas ang kautusan batay na rin sa reklamo ni Ian O. Dela Cruz ng Muntinlupa City hingil sa aniya’y talamak na ilegal na pasugalan (e-sabong) na isinasagawa ng Manila Cockers Club, sa pamamagitan ng off-track betting station (OTB) ng Manila Jockey Club sa Carmona, Cavite.
Ayon sa reklamo ni Dela Cruz, ang naturang gawain ay malinaw na paglabag sa P.D. No. 449 (Cockfighting Law of 1974).
Ang e-sabong ang pinakasikat na pamamaraan ng sugal sa kasalukuyan at sagop nito ang international market dahil sa presensiya ng internet na nagagamit sa mabilis na transaction sa pamamagitan ng social media flatform.
Malaki ang nawawalang kita sa pamahalaan kung hindi masasawata ang paglarga ng ilegal na sugal sa bansa.
Sa legal na sabong derby tulad ng World Slasher Cup, Pitmasters at iba pang malalaking sabong event sa bansa may parte ang pamahalaan mula sa winning prize, gayundin sa tax.
Hindi rin nalalayo ang legal na programa sa karera ng kabayo na may malaking ambag sa pamahalaan mula sa binabayarang buwis sa bawat karera, gayundin sa winning purse.
“Rest assured of the PNP’s commitment on matters of mutual concerned,” aniya.
-Annie Abad