“HUWAG ninyo akong isama sa inyong gulo. Bakit hindi si Sotto ang kumausap sa inyong kapartido para matapos na ang kaguluhang ito?” wika ni Sen. Cynthia Villar kina Sens. Koko Pimentel at Manny Pacquiao nang lapitan niya ang mga ito bago magsimula ang session ng Senado nitong nakaraang Lunes.
Dalawang pahinang resolusyon ang ipinaikot ni Pacquiao noon para lagdaan ng mga pro-administration senators. Isa itong manifesto na nagbibigay ng suporta kay Sen. Vicente Sotto III para manatili itong Senate President. “Bakit mo dinala ang iyong mga kapartido kay Sotto at pagkatapos ay sabihin mong lahat sila ay sumusuporta sa kanya? Bakit ko pipirmahan iyan? Baka makompormiso ko ang aking mga kapartido dahil lalabas d’yan ang aking lagda. Hihintayin ko na lang sina Marcos at Pia. Hindi ba iyan ang karapat-dapat?” Ito naman ang sinabi ni Villar nang balingan niya si Pacquiao.
Ngayon pa lang nag-uumpisa na ang girian para sa susunod na 2022 presidential elections. Nang tanungin ng mga mamamahayag si Sen. Villar kung may interes siyang maging Senate President, hindi umano niya tatanggihan kapag ito ay inalok sa kanya. Sa nakaraan kasing halalan, nanguna si Villar, na nakakuha ng napakalaking boto sa 12 nagwaging senador. Nakatutukso ito para mangarap sa panguluhan ng bansa.
Ganito natukso si Sen. Grace Poe nang manguna siyang nahalal na senador noong 2013. Eh, malaking bagay ang pinuno ng senado kapag nag-aambisyon kang kumandidato sa pagka-pangulo ng bansa.
Ito rin ang dahilan kung bakit nais ni Sotto na manatili sa posisyon, kahit sinasabi niyang nakahanda niyang lisanin ito kapag ayaw na sa kanya ang kanyang nakararaming kasama. Nasubok at natamasa na niya ang lakas at impluwensiya ng pagiging Senate President na malaking bagay sa mga nangangarap na maging pangulo. Madali at maluwag niyang maabot at paglingkuran kahit ang mga taong nasa labas at kasuluk-sulukan ng bansa. Ginamit nina dating Senate President Jovito Salonga at Manny Villar ang posisyon bilang tungtungan sa kanilang nabigong layunin sa panguluhan. Isa pa, nasubok na ni Sotto ang puwersa ng mga taong laging nakahayag sa taumbayan. Hindi kinaliligtaang siputin ang kanyang programa sa telebisyon sa tanghali. Sa tulong ng mga taong kasama niya sa showbusiness, nanalo ang kanyang anak bilang pangalawang alkalde ng Quezon City at ang kanyang pamangkin, alkalde ng Pasig City. Nakakatukso ang showbiz power na taglay na ni Sotto para palipasin pa niya ang susunod na presidential election.
Ang problema, ang hinihintay ni Sen. Villar na si Sen. Marcos bago siya makapagpasiya hinggil sa manifestong pinalalagdaan ni Pacquiao, ay nagsabi na sa panayam sa kanya sa telebisyon na ang kanyang kandidato sa pagkapangulo ng bansa ay si Mayor Sara Duterte. Marahil kung sino kina Villar at Sotto ang sasama kay Marcos ay siyang magiging Senate President. Isasantabi na lang niya ang kanyang ambisyong sasalungat dito.
-Ric Valmonte