Kinasuhan ng murder ang dalawang babae at dalawang iba pa na iniuugnay ng Lipa City Police sa pagpatay sa 55-anyos na biyuda ng pinaslang na vice mayor ng Sto. Tomas, makaraang matagpuang bangkay sa Barangay Halang sa Batangas City.
Ang biktima, si Edelina Ramos, ay misis ni dating Vice Mayor Ferdinand Ramos, ng Sto. Tomas, na pinagbabaril noong Hulyo ng nakaraang taon at na-comatose sa loob ng siyam na buwan bago binawian ng buhay.
Kinilala ni Lipa City chief of police, Lt. Col. Ramon Balauag ang mga suspek na sina Joan Zara Ramos, 29, manugang ng biktima; at Florina Ramos, 63, kapatid ni Ferdinand.
Ayon kay Balauag, kumuha umano si Joan ng mga armado, si Jerry Rabano at isa pang 'di tukoy ang pagkakakilanlan, habang si Florina ang mastermind.
Inaresto sina Joan at Florina habang patuloy na tinutugis ang dalawa pa.
Ayon sa police chief, may alitan sina Florina at Edelina, na inaakusahan nitong nasa likod ng pamamaril sa kanyang kapatid na si Ferdinand.
Sinabi ni Balauag na sa imbestigasyon, nasaksihan ng 16-anyos na anak ng mga Ramos ang pamamaril na naganap sa kanilang bahay sa Poblacion Bgy. 2, Sto. Tomas.
Sa salaysay ng saksi, pumasok si Joan at isang lalaki sa kanilang bahay nitong Hunyo 2, dakong 11:00 ng gabi, at nang tanungin ng kanyang ina, dalawang beses binaril ng armado ang biktima sa ulo.
Isa pang hindi pa nakikilalang lalaki ang tumulong sa dalawang suspek sa pagbitbit sa bangkay ng biktima at isinakay sa pulang Mitsubishi Pick-up L200 (TTD-964), na pag-aari ng mag-asawang Ramos.
Sinabi ng saksi na siya ay sinabihan ni Joan na huwag magsasalita nang kahit ano tungkol sa nasaksihan.
Ayon kay Balauag, nasilayan ang sasakyan sa CCTV footage sa Bgy. Halang kung saan natagpuan ang bangkay ni Edelina.
Positibong tinukoy ng saksi si Rabano na bumaril sa kanyang ina nang ipakita ang rogue gallery.
Nagsasagawa ng follow-up operations laban sa dalawa pang suspek.
Lyka Manalo