NANG magpahimakas si Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang pinuno ng Kamara de Representante, mahigpit ang tagubilin niya sa mga bagong miyembro ng papasok na 18th Congress— alagaang mabuti ang bunga ng mga binhing kanilang ipinunla.
Nakapaloob ang habilin ni SGMA sa kanyang “swan song” na binigkas sa final plenary session ng Kamara sa ilalim ng 17th Congress, nitong nakaraang Martes, Hunyo 4 -- sa huling araw niya sa panunungkulan bilang Tagapagsalita ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas (Speaker of the House) at 3rd termer na representante ng 2nd district ng Pampanga.
Pakiusap ni SGMA sa kapwa mga mambabatas -- maging masinop sa pag-ani sa magagandang bunga ng mga ipinunla nilang batas, upang maging kapaki-pakinabang ang mga ito sa sambayanang Pilipino.
“In the first 3 years of President Duterte’s administration, many good seeds were planted by way of executive decisions, the legislative agenda, strategic foreign engagements, and bold reforms. In the remaining years of his term, we just all need to help in the implementation to harvest the fruits of those seeds within President Duterte’s term,” bilin ni SGMA.
Ayon kay SGMA, hindi matatawaran ang mga naisabatas ng 17th Congress – simula lamang noong Hulyo 23, 2018 ay umabot sa 250 ang naging batas mula sa 800 na aprubadong bills, na nanggaling naman sa naproseso nilang 2,500 measures – nitong nakalipas na tatlong taon.
Ipinasa niya sa mga kamambabatas ang kredito ng mga punlang naitanim sa panahon ng 17th Congress: “Ang mga ito ay testamento ng kanilang ganap na pagpapahalaga sa trabaho bilang mga representante ng mga mamamayang Pilipino.”
Ipinagdiinan din ni SGMA na ang pangunahing layunin ng kanyang liderato sa Kamara ay isulong ang lahat ng “legislative agenda” ng administrasyon, at kasama sa 880 measures ang mga bills na inisa-isa ni Pangulong Duterte sa kanyang 2018 State of the Nation Address.
“My concern has not been on my legacy as Speaker — my concern as Speaker was to support President Duterte’s legacy in the year that I had as the head of this House…I think my legacy will center around restoring our country’s fiscal stability after a storm of financial crisis here and abroad,” ani SGMA.
Pangunahin sa mga ipinagmamalaki ni SGMA na naipasang batas ng Kongreso sa pamumuno niya ay ang Bangsamoro Organic Law, na magiging dahilan upang maitatag ang mas independiyenteng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na magbibigay daan sa mailap na kapayapaan sa buong Mindanao.
Ito naman ang apat na paborito kong bagong batas – Universal Access to Free Tertiary Education (RA 10931), Universal Health Care (RA 11223), Magna Carta for the Poor (RA 11291), at ang pamosong batas na 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (RA11310) – na siguradong makapagpapaalwan sa pamumuhay ng mga Pilipinong kapus-palad.
Ang iba pang mga batas na ipinagmamalaki ng 17th Congressay ang mga sumusunod: National ID system; Security of Tenure; Coconut Farmers’ Trust Fund; Rice Tariffication; Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities; Personal Property Security Act; Secondary School Career Guidance Counseling Act; First Time Jobseekers Act; Department of Human Settlements and Urban Developments; Law on work-from-home arrangements; National cancer control program; Strengthening HIV-AIDS policy; Providing for the special protection of children in situations of armed conflict; Amending Central Bank Act; Institutionalizing energy efficiency and conservation; Increases on the taxes imposed on mining, alcohol, tobacco; Reform in property valuation, capitol income and financial taxes, and tax amnesty.
Sa susunod na bahagi tatalakayin natin ang mga pangunahing batas na ito na kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.