WALANG imposible kung magkakaisa.

Ito ang mensaheng ipinarating ni Philippine Sports commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez sa mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) at National Sports Associations (NSAs) sa ginanap na pagpupulong para sa paghahanda sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 hanganng Disyembre 11.

Hindi umano madali ang paghahanda sa loob ng limang buwan, para sa hosting ng bansa para sa biennial meet ayon kay Ramirez, ngunit wala din umanong imposible kung magsasanib puwersa at magtutulungan ang buong sports community para sa matagumpay na hosting.

“When we are bound by passion and common purpose – then impossible is not a problem. There are many faces of winning but we must aim for number1!” pahayag ni Ramirez, tumatayi ring Chef de Mission ng Team Philippines sa SEA Games.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Ayon kay Ramirez, sa suportang ipinaparating ng gobyerno para sa Philippine Sports, hindi malayong maitawid ang matagumpay na hosting at muling makopo ang overall championship sa 11-nation meet.

Nataon, si Ramirez din ang CdM nang huling ganapin sa bansa ang SEA Games at nakamit ang overall championship noong 2005.

“Ako po , sampu ng aking mga kasama sa CDM team ay patuloy na makikipagtalakayan sa mga party concerned para malaman ano na ang level of preparedness at ano pa ang puwedeng gawin,” aniya.

Buo naman ang suportang ipinakita ng mga National Sports Associations (NSAs) na dumalo sa nasabing pagpupulong kung saan ang lahat ng 57 sports ay naroon upang makipagtulungan sa pamunuan ni Ramirez.

Dumalo rin sa nasabing meeting sina Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas, kasama si Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) chairman Allan Peter Cayetano.

Siniguro rin ni Cayetano na suportado niya ang layunin ng Pangulong Rodrigo Duterte na magkaisa para sa tagumpay at nasa likod siya ni Ramirez at buo ang kanyang suporta sa liderato nito bilang CDM at PSC chief.

-Annie Abad