ANG mala-roller-coaster na trade war sa pagitan ng United States (US) at China ay nagpapatuloy na tila walang senyales ng katapusan.
Nagsimula ang lahat ng ito ng ang US, matapos ang pagkapanalo ni President Trump sa halalan noong 2016, nang taripa sa bilyong dolyar na produktong China, na isinisisi sa trade deficit ng US sa China hinggil sa mga polisiya sa kalakalan ng huli.
Nagdaos ng mga pagpupulong at mataas ang pag-asa na makakamit ang isang kasunduan sa negosasyon sa pagitan ng mga opisyal ng dalawang bansa. Isang pulong ang itinakda sa pagitan ng mga opisyal ng Amerika at China sa Washington, DC, noong Mayo 9, ngunit iginiit ni President Trump ang pagkambiyo ng mga Chinese sa mga napagkasunduan ng mga mabababang opisyal.
Nagpataw ang US ang taripa sa bilyong dolyar na halaga ng produkto sa mga inaangkat na produktong China, habang ginagantihan naman ito ng China. Ipinapataw nito ang taripa sa mga produktong US, habang nagbabanta na ihihinto ang pagluluwas nito ng “rare earth metals,”na 90 porsiyento ay kontrolado ng China, na sinasabing pangunahing kailangan sa high-tech na produksiyon ng Amerika.
Sentro ng nagaganap na US-China trade war ang aksiyon ng US laban sa China’s technological flagship company. ang Huawei, na ang chief finance officer na si Madame Meng Wanzhou ay inaresto sa Canada para sa extradition sa US sa kaso ng paglabag sa US sanctions laban sa Iran. Sinabi ni Huawei founder Ren Zhengfei na ipaglalaban niya ang mga kaso sa korte ng US. Tumanggi siyang gantihan ang US tech giant na Apple, na kinilala niya bilang kanyang “guro.” Samantala, napaulat naman na patuloy ang pagsulong ng operasyon ng Huawei sa Britain, sa Malaysia, sa European Union, at sa African Union.
Nagpataas ng pag-asa na magwawakas na ang trade war nang sabihin ni President Trump noong Mayo 13, na makikipagkita siya kay China President Xi Jinping sa pagpupulong ng G20 ngayong Hunyo, ngunit noong Mayo 27, sinabi ni Trump na hindi pa handa ang US para makipagkasundo sa China. Nitong Mayo 30, nagpahayag ng pag-asa ang ilang opisyal ng Amerika para sa isang pulong kasama si President Xi, ngunit nang sumunod na araw, sinabi ng dating pinuno ng Bank of China na malamang na hindi ito matuloy.
Sa gitna ng sigalot, patuloy na umaasa ang mundo na masosolusyunan ng dalawang bansa, ang may pinakamalaking ekonomiya sa mundo, ang kanilang mga pagkakaiba, magwawakas na ang palitan ng ganti sa isa’t isa, at sila, kasama ng mundo, ay magbabalik sa normal na ugnayan sa kalakalan—hindi trade war—sa isa’t isa.