SADYANG nakababahala ang pahayag kamakailan ni dating House Speaker Rep. Pantaleon Alvarez na ang pagiging speaker ng Kamara ay naging malaking sugal na, at isang milyon na ang halaga ng boto ng isang mambababatas, katumbas ng P300 milyon para sa buong Kamara.
Nagmula ang pahayag sa isang mambabatas na nasangkot na sa maraming kontrobersiya. Matagal na ring usap-usapan ang tungkol sa umano’y masalimuot ngunit sikretong giriian para sa ikaapat na pinaka-makapangyahing posisyon sa bansa kaya nagiging makulay ito.
Bagama’t sinabi ni Alvarez na hindi na siya sasalang sa tinawag niyang ‘money race,’ matindi ang pahayag na ginawa niya sa isang panayam kay Karen Davila sa ABS-CBN TV. Tiniyak din niyang sadyang hindi na niya nilapitan ang mga pumupundo sa kanya dahil “ang paggamit ng pera para masilo ang House Speakership ay makakasira sa puwesto.”
Nang tanunging siya kung sino ang kandidato ang nag-aalok ng pera, tumanggi siyang magbanggit ng pangalan. Ayon sa ilang nakakaalam, isang kilalang bilyunaryo umano ang nasa likod ng namimiling boto.
Nitong nakaraang ilang linggo, nadagdagan pa ang umano’y naglalaway na maging House Speaker. Mula sa dating apat, nadagdag pa sina senador na magiging Antique Rep. Loren Legarda, Capiz Rep. Fredenil Castro, Cavite Rep. Alex Advincula, Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, San Juan City Rep. Ronaldo Zamora, at Cavite Rep. Abraham Tolentino.
Nabanggit ding “dark horse” sa tunggalian si Davao Rep. Paolo Duterte, ngunit biglang tumahimik ang mga nagtutulak sa kanya nang sabihin ni Pangulong Duterte na magbibitiw siya sa tungkulin kapag kumandidato ang kanyang anak.
Sa gitna nito, ang inihayag ni Alvarez na mabibili ang pagka-House Speaker ay nagpapahiwating lamang na sobrang nakurap na ang ating pulitika at naging parang lotto na lamang ito ng mga mayroong pera at impluwensiya.
Bagama’t ang susunod na Speaker ay maaaring magmula sa isang malaking koalisyon, maaari pa ring manaig ang gusto ng mayoryang PDP-Laban, ngunit maaaring maging ‘swing vote’ ang bagong alyansa ng mga grupong party-list na ang mga kinatawan ay 20 porsiyento ng buong Kamara. Isa pa, bilyonaryo rin ang namumuno dito, si 1Pacman Rep. Mike Romero.
Kung magpasiya si Rep. Alvarez na tumakbo sa pagka-Speaker sa kabila ng alitan nila ni Davao City Mayor Sarah Duterte-Carpio, suportahan pa rin kaya siya ng kanyang mga bilyonaryong kaalyado?
Sa gitna ng mga kaganapan at usap-usapang ito, tila nga ang pagka-House Speaker ay nagiging laro na lamang ng mga maimpluwensiya at mga bilyonaryo.
-Johnny Dayang