Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni dating Nueva Ecija Governor Aurelio Umali na humihiling na suspendihin ang paglilitis sa kinakaharap na kasong graft kaugnay ng pagkakadawit sa umano’y maanomalyang P2.5 milyong proyektong pang-agrikultura, noong Disyembre 2005.

Idinahilan ng 2nd Division ng anti-graft court, walang makitang dahilan upang suspendihin ang paglilitis ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) at malversation na kinakaharap ni Umali.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y pag-iindorso ni Umali at iba pang mga akusado sa nasabing non-government organization (NGO) na Samahan ng mga Nagtitinda ng Prutas sa Gabi, Inc. (SMPGI) bilang “project partner” sa implementasyon ng agricultural development programs ng Department of Agriculture (DA).
Sa rekord ng korte, naghain si Umali ng urgent motion to hold in abeyance determination of probable cause nitong nakaraang Mayo 6 habang nakabinbin ang ilalabas na resolusyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng motion for reconsideration (MR) nito.
Nitong Nobyembre 14, 2016, naglabas ang Ombudsman ng ruling kung saan nakitaan ng probable cause ang mga nasabing kaso ni Umali at iba pang kasamahan nitong akusado.
Gayunman, naghain agad ang dating gobernador ng MR ngunit tinanggihan ito ng korte, noong Setyembre 29, 2017.
Dahi dito, isa pang katulad na mosyon ang isinampa ni Umali sa hukuman, nitong Mayo 2 kung saan hiniling naman nito sa korte na muling silipin ang kaso nito dahil sa mga bagong ebidensyang nagsasabing nagkaroon ng actual delivery ng mga irrigation pumps sa mga benepisyaryo ng mga proyekto ng Samahan ng mga Manininda ng Prutas sa Gabi Inc. (SMPGI).
Paliwanag ng korte, ang paghaharap ni Umali ng panibagong mosyon ay paglabag na sa Section 7 ng Administrative Order No. 7 ng Rules of Procedure of the Office of the Ombudsman kung saan binabanggit na “isang motion for reconsideration o reinvestigation ng approved order o resolution ang dapat na pahintulutan.”
“His MR filed on May 2 is "already a second motion for reconsideration, which is disallowed under Section 7(a) of Administrative Order No. 7," ayon pa sa hukuman.
-Czarina Nicole Ong Ki