SA halip na ang walang talong Mexican na si Jose Enrique Durantes Vivas ang makakalaban ni dating world rated Filipino featherweight Recky Dulay, haharapin nito ang batambatang Amerikanong si Luis Coria sa Hunyo 23 sa Club Events Center, San Bernardino, California sa United States.
Walang ibinigay na dahilan kung bakit nabago ang karibal ni Dulay pero huling lumaban ang tubong Catarman, Northen Samar nang mapatigil siya ni undefeated American Italian Giovanni Mioletti noong nakaraang Marso 23 sa Tacoma, Washington.
Sumikat si Dulay sa bansag na “The Terror” sa Amerika nang mapatulog niya sa 3rd round noong Hulyo 15, 2017 sa Forum, Inglewood, California si Golden Boy Promotions boxer Jaime Arboleda ng Panama na kilalang knockout artist kaya pumasok siya sa WBA featherweight rankings.
Sa pagkasa kay Dulay, masusubok ang kakayahan ni Coria na 20-anyos pa lamang at may kartadang 11 panalo, 2 talo na may 6 pagwawagi sa knockouts.
May rekord si Dulay na 11 panalo, 5 talo na may 8 pagwawagi sa knockouts at umaasang magwawagi laban kay Coria para muling makapasok sa world rankings.
-Gilbert Espeña