Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena)
2:00 n.h. -- Cignal-Ateneo vs Valencia City Bukidnon-SSCR
4:00 n.h. -- St. Clare College Virtual Reality vs CEU
TAPUSIN ang kani-kanilang serye upang ganap ng makausad sa kampeonato ang parehas na tatangkain ng Cignal-Ateneo at ng ‘Cinderella Squad’ Centro Escolar University sa Game 2 ng 2019 PBA D League semifinals series ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Kapwa nakauna sa best of 3 series nila ang dalawang koponan makaraang manaig noong Martes, ang Blue Eagles kontra Valencia City-San Sebastian College,105-67 at ang Scorpions laban sa St.Clare College-Virtual Reality, 76-75.
Base sa naging resulta ng unang laban, pinapaboran ang Blue Eagles na makamit ang unang finals berth, ngunit tiyak namang hindi basta na lamang titiklop at susuko ang Golden Harvest.
Sa isa pang pairings, isa na namang matinding pagsubok ang haharapin ng Scorpions na muling sasandig sa kanilang puso at determinasyon upang makamit ang minimithing pag-usad sa finals.
“Sana matapos na. It’s been a torture for us,” pahayag ni CEU coach Derrick Pumaren. “We have to maintain the competitiveness in ourselves, the heart, and the fight every time when we step there. We just got to come out and play the game.”
Muling sasandigan ng CEU si Senegalese big man Malick Diouf na dalawang sunod na laro ng walang palitan sa kabuuang 40 minuto ng bawat laban gayundin ang Game 1 hero na si Rich Guinitaran upang pamunuan ang 7-man Scorpion team.
Sa kabilang dako, sisikapin namang makahirit ng do or die Game 3 ng Saints na inaasahang pangungunahan nina Irven Palencia at Malian big man Mohammed Pare.
Samantala, muli namang gagamitin ng Blue Eagles ang ipinagmamalaki nilang team defense upang tuluyang mawalis ang semifinals series nila ng Golden Harvest sa pamumuno nina Ivorian center Angelo Kouame, Thirdy Ravena at ang kambal na sina Mike at Matt Nieto.
-Marivic Awitan