MAY naganap na namang panibagong insidente ng mass killing sa Estados Unidos. Isang matagal nang city engineer sa public utility department ng Virginia Beach sa estado ng Virginia ang nagsimulang magpaputok ng kanyang .45 caliber na baril sa sinumang makita sa gusali kung saan siya nagtatrabaho matapos ang alas-kuwatro ng hapon nitong nakaraang Biyernes, Mayo 31. Matapos ang insidente, 13 ang idineklarang patay, kabilang ang salarin habang apat pa ang nasugatan.
Ito na ang pinakamalalang pag-atake sa Amerika mula noong maganap ang pamamaril sa isang bar and grill sa California noong Nobyembre, 2018, kung saan 12 ang nasawi. Bago ito, maraming iba pang higit na malalang insidente ng pamamaril ang isinasagawa ng mga nag-iisang salarin na walang politikal na hangarin, tanging ang kagustuhan lamang na pumatay. Dahil dito, 58 ang napatay sa isang open-air concert sa Nevada noong 2017, 49 sa isang nightclub sa Florida noong 2016, 32 sa unibersidad sa Virginia noong 2007, 26 sa isang bayan sa Texas noong 2007, 26 na isang paaralang elementarya sa Connecticut noong 2012, 23 sa isa pang bayan sa Texas noong 1992, at 21 sa isa pang bayan sa California noong 1984.
Tuwing may nagaganap na ganitong insidente, lumalabas din ang mga panawagan sa mga opisyal para sa paghihigpit ng kontrol sa pagbebenta ng mga armas, lalo na sa mga automatics na may extended magazines at silencers, ngunit malakas din ang oposisyon para sa anumang pagbabawal, sa dahilang nilalabag umano nito ang probisyon ng US Constitution hinggil sa karapatan ng mga Amerikano na humawak ng armas.
Matapos ang insidente ng pamamaril sa Florida noong 2015, nakipagpulong si President Trump sa mga estudyante na nananawagan ng pagpapatibay ng batas na maghihigpit sa pag-aari ng mga high-powered na armas. Tanging nagawa lamang ng pangulo ang magbigay ng suhestiyon na ban sa mga “bump stocks” na kayang gawing automatic ang isang semi-automatic na may kakayahang maglabas ng maraming bala sa isang pagkalabit lamang. Iminungkahi rin niya ang pag-aarmas ng mga guro upang maprotektahan ang mga estudyante. Walang nangyari sa pagpupulong na iyon.
Nagprotesta ang mga mag-aaral matapos ang sunod-sunod na pamamaril sa iba’t ibang mga paaralan, ngunit walang batas ang naipasa upang higpitan ang pagbebenta ng armas. Ilang araw matapos ang nangyaring pamamaril sa Virginia Beach, walang anumang hakbang para sa mas mahigpit na pag-aari ng baril ang iminungkahi.
Kabaligtaran nito, naging desidido ang aksiyon ng New Zealand matapos patayin ng isang salarin ang nasa 50 katao at sugatan ang 50 iba pa sa dalawang mosque sa kabiserang Christchurch, gamit ang isang semi-automatic weapon na may 30-round magazines, dalawang shotgun, at isang lever-action firearm, lahat ay nabili sa online. Anim na araw matapos ang insidente nitong Marso 15, ipinagbawal ng pamahalaan ng New Zealand ang pagbebenta ng mga malalakas na armas na ginamit sa pamamaril.
Sa Virginia, sinabi ni Mayor Booby Dyer na, “This is the most devastating day in the history of Virginia Beach.” Nakikidalamhati ang mundo kasama niya at ng kanyang lungsod ngunit sa kawalan ng anumang tiyak na hakbang tulad ng ginawa ng New Zealand, dapat nang asahan ng Amerika ang posibilidad ng katulad na insidente ng pamamaril anumang oras.