Pinabulaanan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang umano’y maling paggamit ng pondo para sa rehabilitasyon sa mga estero sa Metro Manila.
Kontra sa mga ulat hinggil sa umano’y kapabayaan ng ahensiya sa implementasyon ng anim na waterways rehabilitation projects noong 2018, iginiit ng PRRC na "ongoing" at "up-to-date" ang kanilang mga proyekto.
Ayon sa Commission on Audit (CoA), hindi natapos ng PRRC ang anim na rehabilitation at development project noong nakaraang taon sa kabila na nagamit ng ahensiya ang P107,568,198.93 ng P111,078,000 pondo nito.
Kabilang sa mga proyektong inusisa ang rehabilitasyon ng Estero de Magdalena, Estero de Kabulusan, Estero de Pandacan (Phase 2), Estero dela Reina, at Estero de Valencia (Phase 3) sa Maynila, gayundin ang bahagi ng San Juan River sa San Juan.
Sa paliwanag ng PRRC, iminungkahi ang rehabilitasyon ng mga estero noong 2017, na may aprubadong budget na P111,078,0000. Isinalang ng ahensiya ang mga proyektong ito sa bidding noong huling bahagi ng 2017, na may pinal na kontratang nagkakahalaga ng P107,568,198.83.
"The six projects were expected to be completed within a year. However, since the rehabilitation of waterways is multi-faceted and multi-sectoral, several setbacks have been encountered during their actual implementation," ani PRRC.
Nanindigan din ang PRRC na sa kabila ng mga salik na naging balakid sa proyekto, “it has initiated and successfully accomplished quality projects, programs, and activities that have direct impact on the improvement of water quality of the Pasig River.”
-Ellalyn De Vera-Ruiz