APRUBADO na ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na isubasta at ipagbili ang mga alahas na nakuha mula kay ex-First Lady at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda R. Marcos. Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo mula sa Tokyo tungkol sa naipong mga alahas ni Mrs. Marcos, na tinatayang nagkakahalaga ng P700 milyon.
Nais ni PRRD na sa P700 milyong mapagbibilhan ng mga alahas, dapat makinabang ang sambayanang Pilipino at hindi maibulsa ng mga sakim, ganid at tiwaling pinuno ng gobyerno. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, sinabi ni Mano Digong noong gabi ng Mayo 29 na gusto niyang ang taumbayan ang makinabang sa mga alahas.
Nang tanungin daw ni Spox Panelo ang Pangulo kung ibibigay na niya ang go signal, tumugon siya ng “Yes.” Ang proceeds o pinagbilhan daw ng mamahaling alahas ay dapat na pakinabangan ng mga Pilipino. Nang tanungin kung kailan mag-iisyu ng order si PDu30 tungkol sa subasta at pagbebenta ng mga alahas na para sa mga hari, reyna at prinsesa, tumugon si Panelo na bahala ang Pangulo kung kelan pero sumang-ayon na siyang ipagbili ang mga ito.
Hinihintay na lang ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), ang ahensiya na naatasang bumawi ng ill-gotten wealth ng Marcos family, ang approval ng Pangulo para isubasta ang isa sa mga koleksiyon ng mga alahas (Hawaii jewelry collection), na P704.8 milyon.
Sa report ng Commission on Audit (CoA) noong nakaraang taon, sinabi nito na kailangan ang approval ng Pangulo sa pagbebenta ng mga alahas sa pamamagitan ng auction o subasta.
Tatlong aspirante sa pagka-speaker ng Kamara ang nagtungo sa Japan at nakipagkita kay PRRD. Sila ay sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano, at Leyte Rep. Martin Romualdez. Eh, bakit wala si Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez, dating speaker na napatalsik noon, at si Antique Rep. Loren Legarda?
Wala raw ipinangako o anumang commitment si PDu30 sa sinumang kandidato sa Speakership. Ang tatlong nabanggit ay humihingi ng endorsment sa Pangulo upang piliing Speaker. Pero, ayon sa Malacañang, hindi nakikialam ito sa pilian ng speaker. Nang malaman ito ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo napabulalas siya ng “Tell it to the Marines.”
Ang puwesto ng speakership ay nakasalalay sa kagustuhan ng Pangulo. Walang sinumang speaker ang nahalal nang walang basbas ng pangulo ng bansa. Kailangan ng pangulo ang liderato ng Kamara upang mapagtibay ang legislative agenda niya. ‘Di ba may nagtuturing na ang Kamara o House of Representatives ay isang “rubber stamp” ng Palasyo? Ang senado kaya, magiging “rubber stamp” din?
Paulit-ulit na sinasabi ni PRRD at anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na hindi sila makikialam sa labanan sa speakership. Ano, hindi makikialam? Gayahin natin ang bulalas ni kaibigan: “Tell it to the Marines.”
-Bert de Guzman