PAGKATAPOS ng edgy movies na millennials ang target audience, horror naman ang sunod na ire-release ng Black Sheep.
May tagline na “No boundaries, just vision,” unang inilabas ng Black Sheep last quarter nitong nakaraang taon ang blockbuster na Exes Baggage nina Angelica Panganiban at Carlo Aquino. Magmula noon, inabangan na ng young-adult moviegoers ang ginagawang unique love stories ng Black Sheep, ang subsidiary na isa sa mga unang binuo ni Olive Lamasan nang pamahalaan niya ang Star Cinema matapos mag-retire si Malou Santos.
Tulad ng lahat na production company, may pumalya rin silang pelikula pero mataas pa rin ang batting average ng Black Sheep. Big hit din ang Alone/Together na pinagbidahan naman nina Liza Soberano at Enrique Gil.
Para siguro maiba naman ang panlasa sa sunud-sunod na love story, nagprodyus sila ng horror. Bida si Jodi Sta. Maria sa Clarita kasama sina Ricky Davao, Arron Villaflor, at Romnick Sarmenta, Alyssa Muhlach, Angeli Bayani, Che Ramos, at Nonie Buencamino.
Batay sa mga totoong pangyayari na gumimbal sa mundo noong dekada ‘50 ang Clarita na ni-research ng award-winning documentarian at filmmaker na si Derick Cabrido.
Hindi ginawang moderno ni Direk Cabrido ang kuwento, kaya 50s ang set ng pelikula. Dahil sa magkakasunod na pagkamatay ng mga doktor sa isang institusyon, darating ang ipinatawag na sina Padre Salvador (Ricky) at Padre Benedicto (Arron) para tulungan si Clarita Villanueva (Jodi) na mapaalis ang mga demonyo na umano’y sumanib dito. Masusubok ang tatag ng pananampalataya ng mga pari sa ‘tila pangingibabaw ng kasamaang nananahan kay Clarita.
Iimbestigahan ang mga pangyayari ng isang reporter na makakatulong sa mga pari upang matunton ang katotohanan sa likod ng exorcism kay Clarita.
Pinag-usapan ang exorcism kay Clarita hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Pinangaral ni Derrick Cabrido na maisalin sa pelikula ang mga pangyayari na nabasa at napag-usapan lamang noon. Inilapit niya ang project sa Black Sheep na agad din namang pumayag gawin ang pelikula.
Sa Araw ng Kalayaan, June 12, ang playdate ng Clarita.
-DINDO M. BALARES