ISANG linggo bago ang pagbubukas ng klase nitong Lunes, Hunyo 3, inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na nangangailangan ang ahensiya ng 33,000 guro upang punan ang mga bakanteng posisyon sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sa kabuuang ito, 23,000 ang matagal nang bakante. Ang 10,000 ay mga bagong bakanteng posisyon, na natukoy matapos ang rehistrasyon para sa taong panuruan. Ang bilang na ito ang idinagdag ng pangunahing opisina mula sa mga ulat ng mga school division sa buong bansa.
Ibinahagi ni Zamboanga City Division Superintendent Felix Romy Triambulo kung paano napupunan ng Zamboanga—isa sa mga division ng DepEd sa bansa—ang mga problema sa kanilang lugar. Sa kanyang talumpati sa isang pulong-balitaan, sinabi niyang habang patuloy na lumalago ang populasyon ng siyudad sa halos isang milyon, humingi ang division sa punong opisina ng DepEd ng 976 dagdag na guro, ngunit hindi ito naibigay.
Dahil dito, iniutos niya sa lahat ng mga administrador ng mga paaralan sa kanyang nasasakupan na magpatupad ng tamang emergency measures, lalo’t nasa polisiya na kailangang tanggapin ang lahat ng mga bata na nais mag-enroll. Kabilang sa mga pansamantalang solusyon ang pagpapataas ng bilang ng mga estudyante sa bawat klase sa 75, pagpapatupad ng multi-grade classes, at double-shifting—isang klase sa umaga at isa sa hapon.
Aniya, umapela siya sa mga lokal na guro “to give a little sacrifice for the sake of the academic welfare of our school children, some of whom may later become leaders of their communities.”
Nangyayari rin ito sa maraming bahagi ng ating bansa. At wala tayong duda na tumutugon ang mga guro sa katulad na apela mula sa mga opsiyal ng kanilang paaralan. Dahil ganito na ang pinagdadaanan ng mga guro sa maraming nakalipas na taon—handa sa higit na pagtatrabaho, higit na pagbibigay, at magsakripisyo para sa mga batang kanilang pinangangalagaan.
Sa simula ng kanyang administrasyon, nangako si Pangulong Duterte na itataas ang suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan, partikular ang mga pulis at militar at mga guro. Makalipas ang isang taon, nagawang maitaas ng Kongreso ang sahod ng mga pulis at militar. Siniguro naman ng Pangulo na susunod na ang mga guro.
Taunang nakatatanggap ang mga guro at iba pang empleyado ng gobyerno ng bahagi ng kanilang pay adjustments, ngunit hindi sila kasing-palad ng mga unipormadong hanay. Ito ang nagbibigay paliwanag kung bakit hindi sapat ang bilang ng mga guro ng Department of Education para sa mga mag-aaral ng bansa.
Pinakamataas na prayoridad ngayong taon sa gastos ng pamahalaan ang imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build,” at inaasahan itong magsusulong ng pambansang pag-unlad sa ekonomiya sa mga susunod na taon. Maaaring hindi krusyal ang pagtingin ng ating mga opisyal sa sistema ng pampublikong paaralan sa bansa, ngunit isa itong pangmatagalang programa na higit na mahalaga para sa ating bansa.
Kinakailangang magpatupad ng mga pampublikong paaralan sa bansa ng mga pansamatalang solusyon ngayong taon, tulad ng mas malaking bilang ng mga klase at multiple shifting, ngunit ang pangunahing problema ng kakulangan sa guro ay dahil sa mababang suweldo. Kinakailangang ibigay ng administrasyon at Kongreso ang pinakamataas na prayoridad para sa suliraning ito.