Nilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na hindi pa makauupo si dating National Youth Commission chief Ronald Cardema bilang representative ng Duterte Youth Party-list sa pagbubukas ng 18th Congress.
Ito ay nilinaw ni Guanzon matapos na mismong si Comelec Spokesperson James Jimenez ang mag-anunsiyo, sa kanyang Twitter account, na inaprubahan na ng Comelec ang substitution bid ni Cardema.
"The substitution of Ronald Cardema as Duterte Youth nominee has been approved, with one Commissioner dissenting and one abstention," ani Jimenez.
Kaagad naman itong itinama ni Guanzon, at sinabing hindi pa nareresolba ng Comelec ang disqualification petition laban kay Cardema kaya wala pang uupong kinatawan ng Duterte Youth party-list group sa Kamara.
Pagtatama pa ng Comelec commissioner, ang "application for substitution" pa lamang ni Cardema ang binigyan ng “due course” ng poll body, at hindi ang kanyang substitution mismo.
Ipinaliwanag ni Guanzon na hindi pa “granted” ang substitution ni Cardema dahil may nakabi,bin pang mga oposisyon dito, kung saan ang ginamit na ground ay ang edad ni Cardema, na higit na sa 30, kaya hindi na siya maaaring maging kinatawan ng youth sector party-list sa Kongreso.
"Re:Cardema Not the substitution but his application for substitution was given due course. His substitution is not yet granted because there is a pending petition or opposition on the ground that he is over 30 yrs old and cannot be a rep of a youth sector party list," tweet ni Guanzon.
Ani Guanzon, magtatakda pa lamang sila ng hearing hinggil sa naturang isyu at iaanunsiyo aniya nila kung kailan ito magaganap.
-Mary Ann Santiago