DAHIL sa word of mouth na maganda ang Quezon’s Game, idagdag pa ang favorable reviews sa nasabing pelikula ng Star Cinema at Kinetek, kaya nadadagdagan ang mga nanonood sa historical movie ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, na tinampukan nina Raymond Bagatsing at Rachel Alejandro.
Sabi nga nila’y must-see movie ng bawat Pinoy ang Quezon’s Game, na dapat i-require ng Department of Education na panoorin ng kabataan ngayon, para malaman nila ang isang mahalaga na bahagi ng kasaysayan ng ating bansa.
Kabilang si Education Secretary Leonor Briones sa mga dumalo sa premiere night ng Quezon’s Game sa Dolphy Theater nitong May 28.
Tinatalakay sa Quezon’s Game ang tulong na ginawa noon ni President Quezon para mailigtas mula sa tiyak na kamatayan o holocaust sa Europe ang 1,200 Jews, na tinanggap niya sa Pilipinas bago sumiklab ang World War II.
Nabigyan nina Raymond at Rachel ng hustisya ang pagganap nila sa karakter nina Pangulong Quezon at Doña Aurora Quezon, respectively, kaya imposibleng hindi sila magkaroon ng acting nominations sa sangkatutak na award-giving bodies sa Pilipinas.
Hindi lamang ang pagtulong ni Quezon sa mga Hudyo ang mapapanood sa Quezon’s Game, dahil ipinakita rin sa pelikula ang katigasan ng ulo niya.
Kahit may sakit sa baga at dumudura na ng dugo, hindi pa rin tinigilan ni Quezon ang pag-inom ng alak at paggamit ng tabako.
Kung panonoorin ng young Pinoy generation ang Quezon’s Game, malalaman nilang Balintawak ang unang plano ni Quezon na maging pangalan ng Quezon City, at nadestino rin sa Pilipinas ang American lieutenant colonel na si Dwight Eisenhower bago siya nahalal na 34th President ng Amerika noong 1953.
Higit sa lahat, ipinakita sa pelikula ang mga dahilan kaya hanggang ngayon, mataas ang respeto ng Jews sa mga Pilipino dahil sa desisyon ni Quezon na payagang manirahan sa Pilipinas ang kanilang mga ninuno na nakaligtas sa holocaust.
Marami ang nagsabing ipinagmamalaki nila ang pagiging Pilipino matapos panoorin ang Quezon’s Game.
Ang singer-actress na si Isay Alvarez-Seña ang isa sa mga makapagpapatunay ng kabutihan ng Jews sa mga Pilipino dahil sa kanyang karanasan nang magpunta siya sa Israel.
“Didn’t know this big contribution of Quezon and Filipinos then, 1200+ Jews were exiled here during (Adolf) Hitler’s reign. Then I remember the special treatment we experienced, when crossing Jordan/Israel border..
“BECAUSE WE ARE FILIPINOS... a special lane was opened to us. Aba! Usually, kasama kami sa oras ang bilang bago maproseso ng immigration! May power ang pasaporte ko!
“Sa border ng Israel at Jericho, may border patrol na sumasakay para inspeksyon, nu’ng malamang Pilipino kami, ‘di na umakyat at binigyan pa kami ng regalong souvenirs.
“Even up to now, they still consider our contribution to humanity,” kuwento ni Isay matapos panoorin ang Quezon’s Game.
Nabasa naming may kinalaman rin ang pagtulong ni Quezon at mga Pilipino sa refugee Jews sa tagumpay ni Rose Fostanes sa unang season ng The X Factor Israel noong April 2014 ,dahil sa suportang natanggap niya mula sa mga Israeli.
Noong 2009, pinasinayaan sa Rishon Lezion Memorial Park sa Israel ang Open Doors Monument bilang pagpupugay at paggunita sa historical at spiritual ties sa pagitan ng mga Pilipino at ng Jews na tinutulungan ni Quezon na makarating sa Pilipinas.
Bukod sa Quezon’s Game, may nauna nang pelikula tungkol sa pagliligtas ni Quezon sa mga Jews, ang 2013 documentary movie na Rescue in the Philippines, na may actual interviews sa mga Holocaust survivors.
-ADOR V. SALUTA