“ITO ang kauna-unahang pagkakataon na ang mga bagong senador ay garapalang ipinaalam ang pagnanasa nila sa komite na wala manlang paggalang sa mga kasalukayang chairperson. Lahat kami ay dumaan sa pagiging neophyte. Ang tradisyon ay nagpapaalam muna ang mga bago sa mga nakaupong chairmen ng mga komite,” wika ni Senador Ping Lacson, sa kanyang panayam sa radyo.
Ang tinutukoy niya ay ang mga senador na kasasalta pa lamang sa senado. Ang mga ito ay nagbanta na patatalsikin nila si kasalukuyang Senate President Vicente Sotto III kapag hindi nila nakuha ang pamunuan ng mga ninanais nilang komite. Kasi, anumang oras nakaumang si Sen. Cynthia Villar para sa posisyon, na nagwikang magpapasiya siya kapag inalok ito sa kanya.
Ayon kay Sen. Koko Pimentel, ipinaalam na sa kanya ni Sen. Francis Tolentino na gusto niyang mamuno sa anim na komite. Inihayag naman ni Sen. Richard Gordon na may mga bagong senador na nagnanais na palitan siya bilang chairman ng Blue Ribbon Committee at Committee on Justice. “Akala ng mga bagong senador, ang senate president ang humihirang ng mga chairmen ng mga komite,” sabi pa ni Lacson. Nasabi niya ito dahil pinag-aaralan ng mga kapartido ni Sen. Villar, kabilang na rin sina Sen. Tolentino at Imee Marcos, na ipalit nila ito kay Sotto.
Ang mga bagong senador, na ipinadarama na ang kanilang lakas, ay ang mga nagwagi sa tulong ni Pangulong Digong. Kaya nga sila matapang. Tignan ninyo si Erwin Tulfo. Sa kanyang programa sa radyo na “Tutok Erwin Tulfo”, na umere noong Mayo 27, minura niya ang katatalagang si Deparment of Socal Welfare and Development Secretary Rolando Bautista. Tinawag niya itong “sira ulo” at “inutil” dahil hindi nito pinagbigyan na makapanayam siya sa himpapawid.
Ano ang maaasahan natin sa mga taong ang kanilang lakas at posisyon ay nagmula sa isang lider tulad ni Pangulong Duterte? Aba, eh, gagayahin ang kanyang halimbawa. Ganito ang halimbawa na ipinamalas ng Pangulo sa simula pa lang ng kanyang panunungkulan. Ipinalasap niya ito sa mga tao at opisyal ng gobyerno, lalo na iyong mga sumalungat sa kanyang mga pinairal na programa sa paglutas sa mga suliranin ng bansa na umano’y labag sa karapatang pantao. Ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at ang batas laban sa mga tumututol sa kanya.
Pero, ang ginaya ni Tulfo na ginagawa ng Pangulo ay nagpagalit sa mga mamamayan at kagayang opisyal ng gobyerno at militar. Tinawag ni Philippine Information Agency Chief Harold Calavite si Tulfo na “pretentious at poisonous media personality.” Ang pang-aabuso at kalupitan ay laging may katapat, higit sa lahat, may hangganan ‘tulad ng diktaduryang Marcos.
-Ric Valmonte