IPINASA ng Kongreso noong 2007 ang RA 9369 na nanawagan para sa awtomatikong halalan at sinubukan ng Commission on Elections (Comelec) ang bagong sistema sa Autonomous Region of Muslim Mindanao noong 2008. Mga direct-recording Electronic (DRE) na mga makina na gumagamit ng touch-screen system ang ginamit sa Maguindanao. Habang ang paper-based Optical Scan machines (OSC) ang ginamit sa iba pang probinsiya ng ARMM. Dito napatunayan na mas mabilis ang pagbibilang ng boto.
Kaya naman noong halalan ng 2010, idinaos ang paper-based automated election sa buong bansa at pinuri ang bagong sistema para sa mabilis nitong proseso sa pag-aanunsiyo ng resulta ng halalan. Sa pagtatapos ng araw ng halalan, alam na ang nanalong lokal na opisyal; habang ilang araw lamang ay nalaman din ang mga nagwagi sa nasyunal na posisyon.
Ngunit binatikos ang bagong sistema dahil sa kawalan nito ng ‘transparency,’ dahil ang resulta ay iniluluwa lamang sa loob ng ilang segundo ng makina sa pagtatapos ng araw ng halalan. Wala na ang proseso ng pagbibilang na nasasaksihan mismo ng publiko noon. Ang isyu sa kakulangan ng ‘transparency’ ang naging dahilan kung bakit bumalik sa mano-manong halalan ang ilang mga bansa tulad ng Germany at Netherlands.
May isa pang isyu na ikinababahala sa halalan sa Pilipinas. Ang dayuhang kumpanya—ng Smartmatic, ang nanalo sa bidding upang bumuo ng mga computerized counting machines. Sa mundo ng digital, hawak ng Smartmatic ang malaking bahagi ng kontrol sa mga makina at nakikita ito ng mga kritiko bilang dayuhang pangingialam sa halalan ng Pilipinas. Kaya naman ‘di maiiwasan, na maraming natalong kandidato ang iginigiit na nadaya sila at isinisisi sa mga makina ng Smartmatic.
Nitong nagdaang Huwebes, nagsalita si Pangulong Duterte hinggil sa isyu. Nakikipagpulong siya sa komunidad ng mga Pilipino sa Japan, nang sabihin nitong: “I would like to advise Comelec now...Dispose of that Smartmatic and look for a new one that is free of fraud.” Sa paliwanag ni Presidential spokesman Salvador Panelo, ang pahayag ng Pangulo ay tugon sa kuwestiyon ng iba’t ibang sektor hinggil sa ‘technical glitches’—kabilang ang pitong oras na pagkaantala sa pag-uulat ng resulta noong gabi ng halalan nitong Mayo 13.
May mga legal na problema, tulad ng nabanggit ni Comelec spokesman James Jimenez, ngunit maaari namang humanap ng bagong kumpanya sa susunod na pampublikong bidding para sa mga susunod na halalan. Nanatili ang pagtutulungan ng Comelec at Smartmatic sa mga nakalipas na taon sa kabila ng mga batikos, ngunit sa pagkakataong ito, nagsalita na ang Pangulo hinggil sa isyu.
Maraming mungkahi at suhestiyon upang mapaganda ang sistema ng eleksiyon sa bansa, tulad ng pinagsamang mano-mano pagbibilang sa mga presinto at awtomatikong pagpapasa ng resulta at pagbibilang sa mga siyudad at sentro. Maibabalik nito ang matinding interes ng komunidad na dating nasisilayan sa mga nakalipas na halalan. At higit na mahalaga, maibibigay nito ang nabilang na mga boto sa presinto na maaaring masuri o matiyak sa kabuuan ng awtomatiko.
Hindi ito magdaragdag ng higit ilang oras sa proseso ng halalan ngunit hindi masusukat ang halaga na maibibigay nito sa diwa ng lokal na komunidad at sa kabuuang kumpiyansa ng mga botante at kandidato sa pinal na resulta ng halalan. Maaari na itong maisakatuparan ng Comelec sa panawagan ni Pangulong Duterte para sa bagong tagasuplay ng voting machines kasama ng kabuuang hangarin para sa isang malinis na halalan at kaunting protesta.