Iniimbestigahan na ng pulisya ang motibo sa pamamaril na pumatay sa isang mag-asawa habang sugatan naman ang tatlo nilang anak na menor de edad sa Barangay Payatas, Quezon City, nitong Lunes ng gabi.

PEPPERED

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), kaagad na binawian ng buhay ang mag-asawang Jonathan Manuel, 38; at Genalyn Manuel, 39, makaraan silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang lalaki sa loob ng kanilang bahay.

Sinabi ni Staff Sgt. Genaro Diego, ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na nasa loob ng kanilang bahay ang mag-asawa kasama ang tatlo nilang anak na lalaki, edad anim hanggang 14, sa Lanzones Street, Barangay Payatas B, nang mangyari ang insidente, bandang 8:30 ng gabi.

Hanash ni Roque: 'May karapatan akong tawaging bangag si Marcos Jr!'

Batay sa imbestigasyon, isang lalaking nakasuot ng asul na helmet, asul na long sleeve shirt at pantalon ang bigla na lang pumasok sa bahay ng pamilya at pinagbabaril ang mag-asawa.

Kaagad namang tumakas ang suspek, sakay sa motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki.

Nasapul naman ng ligaw na bala sa hita at binti ang dalawa sa tatlong anak ng mag-asawa, habang ang isa pa ay nagtamo ng mga pasa at sugat nang matamaan ng mga bubog.

Nakahingi naman ng saklolo sa mga awtoridad ang mga kapitbahay ng biktima at isinugod sa ospital ang mga bata, na pawang nagpapagaling na ngayon.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa natutukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaril, dahil sinabi ng mga kaanak na wala silang alam na may kaaway ang sinuman sa mag-asawa.

-Alexandria San Juan