“AYAW na ng mga Pilipino ang Smartmatic, ang mga boto ay hindi nabilang nang totoo,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang pulong sa mga miyembro ng Filipino community sa Japan nitong nakaraang Huwebes. “Gusto kong payuhan ang Comelec ngayon na itapon na iyang Smartmatic at humanap ng bago na walang daya. Hindi na ako makapaghihintay pa sa aking State of the Nation Address,” sabi pa niya.
“Mayroon ka pang tatlong taon,” sabi ng Pangulo sa Comelec. “Katatapos lang ng halalan. Palitan na iyan dahil hindi na katanggap-tanggap sa akin, sa taumbayan at kahit sa mga congressmen na naririto ngayon. Pagbutihin ang sistema. Itigil na ang paggamit ng Smartmatic,” pahayag pa ng Pangulo. Ang Smartmatic ay siyang nagbigay at namahala ng mga makina na ginamit sa nakaraang halalan.
Ngayon pa lang, pinahahanap na ni Pangulong Digong ang Comelec ng kapalit ng Smartmatic. Nais niya na ang ipapalit ay libre sa daya. Kaya, aminado ang Pangulo na madaya ang nangyaring midterm elections gamit ang mga makina na pag-aari ng Smartmatic. Bakit kaya nasabi ito ng Pangulo? Sa kanya mismo narinig na hindi katanggap-tanggap ang Smartmatic sa kanya at sa mamamayan. Sinasakyan lang kaya niya ang naging damdamin ng mamamayan na hindi malinis ang naganap na halalan?
Sa pagdinig na ginawa ng House Committee on public accounts nitong Martes, kinuwestyon ng mga kongresista ang mga opisyal ng Comelec hinggil sa umano’y mga iregularidad na sumira sa May 13 elections. Partikular nilang binatikos ang mga pluma na ang tinta ay kumakalat, na tumatagos ang tinta sa papel na ginamit na balota, depektibong 1,165 storage cards, daan-daang sirang vote-counting machines at ang pagkaantala ng pitong oras na pagpapalabas ng resulta ng halalan.
“Ang sinabi ng Pangulo ay hindi p’wedeng ipakahulugan na ang katatapos na halalan ay hindi honest at credible. Hindi lang komportable ang Pangulo sa mga alegasyon na may nangyaring dayaan o kaya ang pagkaantala ng resulta ng halalan. Hindi gusto ng Pangulo na mabahiran ng ganito ang mga susunod na halalan,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Fake news na naman itong inilalakong paliwanag ni Panelo sa maliwanag nang pahayag ng Pangulo. Iyong sira ang makina na nagpaantala sa halalan ay paraan para malimitahan ang boto ng mga kalabang kandidato. Ang militar, pulis at iba pang ahensiya ng gobyerno ay gumagawa ng census sa iba’t ibang lugar. Aalamin nila kung saan malakas ang kalaban. Sa lugar na ito ibibimbin o patatagalin ang simula ng halalan sa dahilang sira ang mga makina. Dahil nagtagal ang pag-uumpisa ng botohan, iyong hindi matiyaga, ay lilisan na, o kaya sa pag-igsi ng oras ng botohan, kaunti lamang ang makaboboto. Isa pa, kapag nasisira ang makina, malaking bentahe ng mga ibinoboto ng block-voting na may utos sa kanila na bumoto nang maaga. Masira man ang makina, nakaboto na sila.
Palitan man ang Smartmatic, kung mandaraya rin ang magpapatakbo ng makina na kakuntsaba ang Comelec dahil ayaw papasukin ang mga nakaiintinding grupo sa operasyon ng makina para magbantay, lagi na lang magtitiis ang mamamayan sa pagpapatakbo ng gobyerno ng mga taong ibinoto ng makina.
-Ric Valmonte