Dumami ang mga Pinoy na nagsasabing “very happy” ang kanilang buhay, ayon sa survey ng Social Weather Stations.

Sa pahayag ng SWS, ang nasabing nationwide survey ay isinagawa sa unang tatlong buwan ng taon, kung saan tinanong ang 1,440 respondents: Kung ikokonsidera nila ang kanilang buhay sa ngayon, masasabi ba nilang masaya sila o hindi?
Nasa 44 porsiyento sa mga ito ang sumagot na talagang masaya sila o “very happy”, habang 49% naman ang nagsabi ng medyo masaya sila o “fairly happy”.
Pitong porsiyento naman ang nagsabi na hindi sila masyadong masaya o “not very happy” at isang porsiyento naman ang nagsabing hindi talaga sila masaya.
Ayon sa SWS, dahil sa 44% ang nagsabing masyado silang masaya, tumaas ito ng limang porsiyento mula sa naitalang 39% noong Disyembre 2018.
Bago ito mangyari, binigyang-diin ng SWS na bumulusok ito ng dalawang magkasunod na dalawang quarter simula nang maitala ang record-high na 57% noong Disyembre 2017.
Kaugnay nito, ang 49% “fairly happy” ay kahalintulad ng naitalang 50% noong Hunyo 2018, at 48% nito noong Disyembre 2018, na sinundan ng 37% noong Disyembre 2017.
-Ellalyn De Vera Ruiz