NAGDULOT ng maraming mungkahi at mga plano ang naranasang kakapusan sa tubig sa silangang bahagi ng Metro Manila noong Marso, at upang masiguro na hindi na ito mauulit—isa sa mga mungkahi ay ang pag-iimbak ng ulan sa mga tangke tuwing panahon ng tag-ulan, pagtatayo ng mga weirs bilang kapalit ng mga dam upang matipid ang tubig sa mga ilog, pagkuha ng mas maraming tubig sa Laguna de Bay at sa mga lumang balon, at ang paglikha ng Department of Water para sa mas organisadong paraan ng paghahanap ng solusyon sa ating taunang problema sa tubig.
Sa lahat ng ito at iba pang magagandang ideya na posibleng makatulong, nakasisiguro tayo sa isang proyekto na tiyak na makatutulong na malutas ang ating problema sa tubig. Ang proyektong ito, na inihayag kamakailan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ay ang pag-apruba sa Wawa Bulk Water Project, na magbibigay ng dagdag na supply na 80 milyong litro kada araw sa 2021, at 500 milyong litro kada araw pagsapit ng 2025.
Ang proyekto ay joint venture ng Prime Infra ni Enrique Razon at ng San Lorenzo Ruiz Builders Group ni Oscar Violago upang gamitin ang Wawa Dam, kilala rin bilang Montalban Dam, sa bahagi ng bulubundukin ng Sierra Madre sa silangan ng Metro Manila sa Rodriquez, Rizal. Ang Wawa Dam ang dating nag-iisang pinagkukunan ng tubig para sa Maynila hanggang sa itayo ang Angat Dam at abandunahin ito noong 1968.
Dumating na ang panahon upang muli tayong kumuha ng tubig sa Wawa para sa pangangailangan ng mabilis na lumolobong populasyon ng Metro Manila, sinabi nina MWSS Chairman Franklin Demonteverde at Administrator Reynaldo Velasco, kasabay ng pahayag na inaprubahan na ang Wawa project.
Ang 500 milyong litro na maibibigay nito sa 2025 ang magpapasigla sa produksiyon ng tubig ng Manila Water ng 30 porsiyento para sa East Zone ng Metro Manila. Sa pagkonsidera sa hinaharap, pinag-aaralan na rin ang iba pang posibleng pagkuhanan ng tubig, kabilang ang Putatan, Cardona, Sumag River, Calawis, Rizal Wellfield, Lower Ipo, Muntinlupa, Laguna Lake, at ang Kaliwa Dam sa Quezon.
Nabanggit ni Prime Infra Chairman Razon ang desididong pamumuno ng MWSS sa pag-apruba sa proyekto na inaasahang lulutas sa problema sa kakulangan sa tubig. Inaasahang kakaunti lang ang epekto ng taripa ng Wawa project dahil sa estratehitikong lokasyon ng bagong mapagkukuhanan ng tubig para sa East Zone.
Patuloy na lumalago ang populasyon sa Metro Manila, kaya naman kailangang magpatuloy ang paghahanap sa iba pang mapagkukuhanan ng tubig, kasabay ng pagpapaganda sa mga nakatayo nang tunnel at aqueduct. Ang Wawa project ay isang malaking hakbangin sa pagsusulong nito, at dapat na segundahan ng iba pang mga hakbangin upang hindi na natin danasin ang hirap gaya noong Abril, sa East Zone ng Metro Manila.