Aabot sa 27.8 milyong estudyante sa pampublikong paaralan sa bansa ang inaasahang magbabalik-eskuwela bukas.

LAST MINUTE SHOPPING Sinulit ng mga magulang at mag-aaral ang pamimili ngayong Linggo sa Commonwealth Market sa Quezon City, ng mga bagong uniporme at sapatos, isang araw bago ang pasukan. (ALVIN KASIBAN)

LAST MINUTE SHOPPING Sinulit ng mga magulang at mag-aaral ang pamimili ngayong Linggo sa Commonwealth Market sa Quezon City, ng mga bagong uniporme at sapatos, isang araw bago ang pasukan. (ALVIN KASIBAN)

Inaasahang pangungunahan ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang class opening activities, dakong 6:50 ng umaga, sa isang programang idaraos sa Signal Village National High School sa Taguig City.

Tiniyak ng kalihim na handang-handa na ang DepEd, ang mga guro at mga paaralan sa pagdagsa ng mga estudyante sa unang araw ng pasukan.

National

VP Sara, pinasalamatan imbestigasyon ni Sen. Imee sa ‘pagdukot’ kay FPRRD

Samantala, una nang naglunsad ang DepEd ng isang-linggong Brigada Eskwela kamakailan, katuwang ang ilang ahensiya ng gobyerno at mga stakeholders, upang tiyaking handa na ang mga paaralan para sa pagbabalik-eskuwela ng mga mag-aaral.

Matapos ito, naglunsad ang kagawaran ng Oplan Balik Eskwela (OBE) para naman matugunan ang mga problemang posibleng kaharapin sa pagbabalik-paaralan bukas.

Gayunman, sa panayam kay Wilhelmina Vibar, Science teacher sa Acacia Elementary School sa Malabon City, sinabi niyang walang magiging kaibahan ang balik-eskuwela bukas sa mga eksena ng pasukan sa nakalipas na mga taon—at tiniyak na nariyan pa rin ang mga problema sa kakapusan ng mga pasilidad at gamit para sa taun-taong lumalaking populasyon ng mga estudyante.

1 CLASSROOM, 4 NA KLASE

Sa panayam sa kanya ng BALITA sa telepono, sinabi ni Vibar na sa kanyang paaralan, mayroong 2,500 mag-aaral sa Kinder hanggang Grade 6, at bagamat tinatapos pa ang isang bagong school building, kulang pa rin talaga ang mga silid-aralan.

Aniya, sa nakalipas na apat na taon ay daan-daang pupils sa Grades 1-4 ang gumagamit ng mga makeshift classroom na gawa sa plywood, at karaniwang nagsisiksikan ang hanggang 50 mag-aaral.

Sinabi rin ni Vibar na normal na para sa mga guro at estudyante ang magdaos ng klase sa mga sira-sirang classrooms.

Iginiit naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na sa Juan Sumulong Elementary School sa Antipolo City, Rizal, hinahati sa apat ang isang classroom para sa kabuuang 200 estudyante.

Sa Bagong Silangan sa Quezon City, ayon sa ACT, nasa 80-100 estudyante ang nagsisiksikan sa isang silid-aralan na hinahati sa dalawa.

SEGURIDAD

Samantala, kasado na rin ang seguridad na ipagkakaloob ng Philippine National Police (PNP), na magpapakalat ng

120,000 tauhan nito, na 7,000 sa mga ito ay sa Metro Manila ide-deploy, partikular na sa University Belt.

Sinabi ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac na walang na-monitor ang pulisya na banta sa seguridad bukas, bagamat nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad.

Nagpaalala rin si Banac sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak, at huwag nang pagdalhin ang mga ito ng mga mamahaling gadgets upang hindi makaakit ng masasamang loob.

Pinag-iingat din ng PNP ang mga estudyante sa iba’t ibang modus, tulad ng laglag-barya at salisi, partikular habang naglalakad sa lansangan o sa pagsakay sa mga pampublikong transportasyon.

Kasabay nito, tiniyak ni Banac na may sapat na tauhan ang PNP, kasama na ang mga undercover na pulis, na sanib-puwersang magbabantay sa unang araw ng pasukan.

-Mary Ann Santiago, Merlina Malipot, at Fer Taboy