Maaaring magresulta ang napaulat na plano ng mga baguhang senador na palitan sa puwesto si Senate President Vicente Sotto III sa pagkakaroon ng bagong mayorya at bagong minority bloc sa 18th Congress.

Senate President Tito Sotto (MB, file)

Senate President Tito Sotto (MB, file)

Ito ang pinalutang na posibilidad ni Sotto sa harap ng mga ulat na balak ng ilang kakahalal at bagitong senador na palitan siya bilang lider ng Mataas na Kapulungan.

Napaulat na si ang dating presidential political adviser na si Senator-elect Francis Tolentino ang nagsusulong para iluklok si Sen. Cynthia Villar kapalit ni Sotto. Una nang sinabi ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na susuportahan niya si Villar.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

‘HNP BLOC’

Sina Tolentino, Marcos, at Villar ay pawang suportado ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte, at may mga ulat na bumubuo na ng “HNP bloc” sa Senado.

Gayunman, dahil sa nasabing hakbangin ay posibleng mapabilang sa Senate minority bloc ang dalawang bagitong senador, dahil ilang incumbent ang patuloy na sumusuporta sa liderato ni Sotto, at nais itong panatilihin hanggang sa susunod na Kongreso.

OPOSISYON SA MAYORYA

Mas posible pa ito sakaling magpasya ang apat na senador sa minorya—sina Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon, Sens. Risa Hontiveros, Leila de Lima, at Francis Pangilinan—upang suportahan ang liderato ni Sotto.

“If ever that happens, the minority will become the majority. Because there are nine or 10 of us [sa mayorya] and there are four in the minority. So what does that add up to? Eh di 'yon ang magiging majority,” sinabi ni Sotto nitong Biyernes.

“'Pag pinilit nila ‘yung sinasabi nila, ni Tolentino at ni Marcos, ang mangyayari magkakaroon ng bagong majority. There will be a new majority but it will definitely not be them,” sabi pa ni Sotto.

“They cannot get the majority. We will remain the majority,” giit niya.

Ito rin ang pananaw ng malapit na kaibigan ni Sotto na si Senator Panfilo Lacson, lalo na umano kung hindi makukuha ng tinatawag na HNP bloc ang boto ng mayorya.

“Baka sa halip na lumaki, makakumpleto ng 13, sila pa maging minority, ang HNP,” sinabi ni Lacson sa isang panayam sa radyo kamakailan.

INDEPENDENT

Naniniwala rin sina Sotto at Drilon na magiging mas matatag ang pagiging independent ng Senado kung magsasanib-puwersa ang mayorya at ang oposisyon.

“Pag nangyari 'yon, mas maliwanag ang magiging independence,” ani Sotto.

‘GETTING TO KNOW YOU MUNA’

Samantala, ipinagkibit-balikat naman ni Senator Koko Pimentel ang pinaplanong palitan si Sotto sa puwesto.

“Let the new ones freely explore how it is to be a senator in Philippines...Let them be,” saad sa text message ni Pimentel sa mga mamamahayag. “I believe it is too early for that. Relax lang. Getting to know you dapat muna kaming lahat.”

Vanne Elaine P. Terrazola