SA kanyang privilege speech sa Senado nito lang Miyerkules, sinabi ni Sen. Ping Lacson na hindi niya pinaniniwalaan ang sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BoC) na ipinain ng mga ito ang P1.8-bilyon halaga ng shabu sa auction, upang madakip ang nais na magpalusot nito.
Kaya, aniya, muling nakapapasok ang mga ilegal na droga ay dahil sa tara system na nagpapatuloy sa ilalim ni Customs Commissioner Guerrero. Ang mga kargamentong papasok sa aduana, ayon kay Lacson, ay may lagay kaya napabibilis ang paglabas ng mga ito. Kaya nakapupuslit ang droga dahil kapag nagbigay na umano ng tara, hindi na ito binubusisi. Binatikos ni Lacson ang kurapsiyon sa BoC, na hindi natutuldukan dahil hindi naman naparurusahan ang mga sangkot dito.
Totoo naman. Si Nicanor Faeldon, na unang commissioner ng BoC na hinirang ng Pangulo, ay nasangkot agad sa pagpupuslit ng ilegal na droga. Sa kasagsagan ng pinaigting na war on drugs, na walang araw na lumilipas na walang napapatay, dahil sa pamamaraan ng kanyang pamumuno sa BoC, nakapuslit ng P6.4-bilyon halaga ng shabu. Inalis siya sa puwesto para ilipat lamang sa Office of Civil Defense.
Ngayon, sa pagbibitiw ni Gen. Ronald dela Rosa, siya na ang pumalit na pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor). Nang palitan siya ni Gen. Isidro Lapeña, higit na malaking halaga ng shabu ang nakapuslit sa BoC. Unang nakumpiska ang dalawang magnetic lifter, na naglalaman ng shabu, sa Manila International Container Port (MICP). Ngunit naging pain lamang pala ang mga ito dahil may apat na magnetic lifter ang nakalabas sa BoC at nakita ang mga ito sa GMA, Cavite. Sa pagdating ng mga operatiba, wala nang laman ang mga ito, ngunit sa paniwala ni PDEA Director Aaron Aquino, ang shabu na ikinarga dito ay nagkakahalaga ng P11 bilyon. Nagbitiw si Lapeña, pero hinirang siya ng Pangulo bilang pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Dahil sa dalawang magnetic lifter na naipuslit sa MICP, tinanggal ni Lapeña si Vener Baguiran, na siyang district collector noon. Ngayon, hinirang siya ng Pangulo bilang deputy commissioner ng BoC.
Sa parehong isyu, tinanggal ni Pangulog Digong sina Housing and Urban Development Coordinating Council Secretary General Falconi Millar at Food and Drug Administration Director General Nela Charade Puno.
Ano ang pagkakaiba ng dalawang ito sa mga tinanggal na sa puwesto, pero inilagay sa ibang mga posisyon na animo’y promosyon o gantimpala? Ang dalawa ay walang kaugnayan sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa
-Ric Valmonte