SA dalawang pusong nagmamahalan nang tapat at wagas, ang kasal ay ang katuparan ng kanilang pangarap upang magbuklod at maging mag-asawa at tumibay ang pagsasama. At lalong magiging matibay ang kanilang pagsasama sa bunga ng kanilang pagmamahalan.
Sinasabing kasal din ang katuparan sa pangako ng lalaking nagmamahal nang tapat sa babaeng sinisinta. Pangarap naman ng bawat babae na siya’y iharap sa dambana o pakasalan ng lalaking pinagtiwalaan niya ng kanyang “Oo”, pagmamahal, at puri.
Ang kasal ay pinaghahandaan ng salapi, panahon at sakripisyo, na sa huli ay maghahatid ng luwalhati, sarap, at kasiyahan. Pananagutan naman sa ibang lalaki kung sila ay ama na o may anak na sa ibang babae. Kung minsan, malaking problema at sakit sa ulo sa ibang walang kakayahang bumuhay ng pamilya. Ngunit sa ibang lalaking maganda ang trabaho at hanap-buhay, hindi problema ang magpamilya.
Para sa ilan nating kababayan, kaugalian na ang pagpapakasal tuwing Hunyo. Tinatawag na “June bride” ang mga ikakasal ng Hunyo. Ang pagpapakasal tuwing Hunyo ay pangarap ng maraming babae upang sila’y matawag na June bride. Ito ay ginayang tradisyon sa America at Canada, na naniniwalang ang Hunyo ay panahon ng pamumulaklak ng mga halaman.
Sa iba naman, may mga nagpapakasal ng Pebrero, na buwan ng pag-ibig. Dahil buwan ng pag-ibig, marami ring nagpapakasal. Idagdag pa rito ang malamig na panahon tuwing Pebrero. Isang magandang panahon ng pagla-love making ng mga bagong kasal at mag-asawa. Sa love making, maalab man ito o malamig, asahan na ang paglobo ng ating populasyon. Ang mga isisilang makalipas ang siyam na buwan.
Sa mga lalaki naman na may “kapilyuhan” o tinatawag na “pabling”, ang pagpapakasal ay wala sa kanilang bokabularyo. Kaya, marami sa kanila ang tumatandang binata. Nanatiling mga bachelor katulad ng isang naging pangulo ng Pilipinas. Sa pagiging bachelor, ang buhok nila’y nagiging kasimputi ng mga bulaklak sa talahib.
Sa pagtandang binata, hindi rin naiwasan na may napapanot at nagiging kalbo. Makintab ang ulo kapag natatamaan ng liwanag ng ilaw at ng sikat ng araw. Biro nga ng iba, dahil makintab, puwede mong gawing salamin kung magsusuklay ka ng buhok.
Sa ibang bayan katulad ng Rizal, tuwing Hunyo, naglulunsad ang mga lokal na opisyal ng libreng “Kasalang Bayan”. Umaabot sa mahigit 100 pares ang ikinakasal nang libre. Karaniwang mayor ang isa sa mga ninong ng mga ikinakasal.
Sa mga parokya at mga munisipyo, ngayong Hunyo ay mapapansin ang pagdami ng mga ikakasal –sa mga simbahan at opisina ng mga alkalde at mga hukom. Ngunit anuman ang maging dahilan ng pagdami o pagbaba ng bilang ng mga nagpapakasal, ang mahalaga’y pinaniniwalaan na ang kasal ay pagbubuklod ng nagmamahalang babae at lalaki.
At higit sa lahat, sapagkat ang kasal ay isang sakramento, marapat lamang na hindi limutin ang aral na nakapaloob dito: “Ang pinagtali ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao.”
-Clemen Bautista