ANG teribleng trapiko sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) ay resulta ng daan-daang libong sasakyan na dumadagdag sa Metro traffic kada taon, gayung hindi sapat ang mga kalsada para sa lahat ng ito. Mayroong pangkalahatang pag-asam na bubuti na ang sitwasyon ng trapiko kapag natapos na ang lahat ng ginagawang elevated na kalsada.
Nagpatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng ilang hakbangin upang kahit paano ay pansamantalang maibsan ang trapiko. At dito nagkakatalu-talo lahat. Ang plano nitong ipasara ang mga bus terminal sa EDSA, karamihan ay sa Cubao sa Quezon City, ay hinarang ni Albay Rep. Joey Salceda sa pamamagitan ng petisyong inihain niya sa Korte Suprema.
Inaprubahan ng Metro Manila Council, ang lupon ng mga nagpapasya sa MMDA, ang Regulation No. 19-002 na nagbabawal sa pagpapalabas ng business permits sa mga terminal ng mga pampasaherong sasakyan sa EDSA. Ngayong napawalang-bisa na ang mga permit, maaari nang isara ng mga lokal na pamahalaan ang mga terminal.
Unang dumulog sa Korte Suprema ang Ako Bicol Party-list—na sinundan ni Congressman Salceda—upang hilingin na magpalabas ito ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction upang pigilan ang nasabing hakbangin ng MMDA, sa katwirang nilabag ng ahensiya ang mga prangkisang ipinalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang regulasyon ng MMDA ay “oppressive and unfair” sa mga kumpanya ng bus at magdudulot ng “economic disruption, inconvenience, and added financial burden to ordinary commuters”, ayon kay Salceda. Hindi nito maiibsan ang matinding trapiko sa EDSA, aniya, dahil kahit pa tanggalin nito sa kalsada ang 6,000 bus na biyaheng probinsiya, magdadagdag naman ito ng 20,000 mas maliliit na sasakyan upang ihatid ang mga bibiyahe sa lalawigan sa kani-kanilang patutunguhan sa siyudad.
Hiniling sa Kataas-taasang Hukuman na magpasya ito sa usaping legal ng umano’y paglabag sa mga probisyon ng prangkisa, gayundin ng mga umiiral nang kontrata sa renta sa pagitan ng mga kumpanya ng bus at ng mga may-ari ng lote sa EDSA. Kontra naman rito ang karapatan at tungkulin ng MMDA na magpalabas ng regulasyon upang mapabuti ang trapiko sa Metro Manila, na isa sa mga pangunahin nitong responsibilidad.
Ang usaping legal pa lang—na sinasaklaw ang mga prangkisa at kontrata—ay aabutin na nang ilang buwan bago maresolba, kung ikokonsidera ang mga kasong tumatambak sa ating mga korte. Umaasa tayong magagawan ng paraan ng mga korte na mapabilis ang pagtugon nila sa mga kasong nakaaaapekto sa maraming tao.
Bukod pa sa usaping legal, nariyan ang malaking katanungan kung masosolusyunan nga ba ng nasabing plano ng MMDA ang problema sa trapiko sa EDSA. Maitataboy nga nito paalis sa pinakaabalang kalsada sa Metro Manila ang 6,000 bus na biyaheng probinsiya, gaya ng sinabi ni Congressman Salceda, pero magdadagdag naman ito ng 20,000 mas maliliit na sasakyan upang ihatid ang mga galing sa lalawigan sa kani-kanilang patutunguhan sa kalunsuran.
Mahalagang iwasan nating maulit ang hindi magandang karanasan ng mga pasahero sa provincial bus terminal na itinayo sa Coastal Road sa Parañaque City, kung saan obligadong bumaba ang lahat ng pasahero ng bus na galing sa Batangas at Cavite, pero wala naman silang masakyan doon patungo sa Maynila, Pasay, Makati, o sa iba pa nilang pupuntahan sa pusod ng Metro Manila.