MAKASAYSAYAN ang 35th PMPC Star Awards For Movies dahil ipinagdiriwang ngayong 2019 ang ika-100 taon ng Philippine Movies, kaya naman magsasama-sama sa entablado ang pinakamaniningning na bituin ng siglo, at bibigyang parangal ang mahuhusay na alagad ng pelikula.
Ang natatanging gabi na ito ay idaraos sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila, sa Linggo, Hunyo 2, 2019, hosted by Kathryn Bernardo, Iza Calzado, Gelli de Belen, Arci Muñoz, Aljur Abrenica, at Robi Domingo.
Opening number sina Darren Espanto, Sam Concepcion, Ylona Garcia, Klarisse de Guzman at kakantahin nila ang Star Awards song with the theme Passage of Time medley.
Isang matinding hatawan, a dance evolution from 1950s to Millennial, ang paaapuyin sa entablado nina Maja Salvador, Heaven Peralejo, AC Bonifacio, Kira Balinger at Belle Mariano; Jameson Blake, Zeus Collins, Grae Fernandez, Fumiya, Yam Yam, Julian Trono, Lance Carr, at Marco Gallo with Hotlegs and PHD Dancers.
At sa Tribute sa Mga Natatanging Bituin ng Siglo, aawitin ni Concert King Martin Nievera ang medley of gratitude songs para haranahin ang mga alagad ng sining na natatangi sa kanilang ‘di matatawarang kontribusyon sa Pelikulang Pilipino.
Mula sa pamunuan ni Pangulong Sandy Es Mariano, mga opisyal at miyembro, ang 35th PMPC Star Awards For Movies ay sa produksiyon ng Airtime Marketing Philippines ni Ms. Tess Celestino at sa direksiyon ni Bert de Leon.
Mapapanood ang kabuuan ng palabas sa ABS-CBN’s Sunday’s Best sa Hunyo 16, 2019.
-ADOR V. SALUTA